MANILA, Philippines – Isang malaking palaisipan sa lahat kung bakit hindi pa nakapagsasalita si Senador Ronald Dela Rosa hinggil sa pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dinala sa The Netherlands upang litisin sa kasong crimes against humanity.
Ilang oras matapos arestuhin ang dating lider, natuklasan ng Senate media na nakasarado ang tanggapan ni Dela Rosa sa 5th Floor ng Senado na walang staff ngunit, may ilan sa extension office nito sa loob ng Senado.
Walang makapagsabi sa ilang staff ng senador hinggil sa kinaroroonan ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at chief implementor ng Oplan Tokhang.
Hindi rin makapagbigay ng official statement ang media relations officer ng senador hinggil sa kinaroonan nito.
Hanggang isinusulat ang balitang ito, Marso 12, walang opisyal na pahayag ang tanggapan ni Dela Rosa hinggil sa insidente ng pagdakip kay Duterte.
Isa si Dela Rosa sa kinasuhan sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa kasong crimes against humanity kasama ang ilan pang opisyal ng Duterte administration na nagpatupad ng war on drugs. Ernie Reyes