Home OPINION LAHAT GAWIN LABAN SA BAHA

LAHAT GAWIN LABAN SA BAHA

NAGKAKAGULO sa Senado dahil sa problema sa baha sa Metro Manila.

Pero alam ba ninyo na kung nagkakabaha sa Metro Manila, apektado na rin ang apat na lalawigan ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite?

Nang maganap ang bahang nilikha ng bagyong Ondoy noong Setyembre 25-26, 2009, tumigil ang buong Mega Manila o pinagsamang Metro Manila at ang nasabing mga lalawigan.

Dahil sa labis na ulan noon, nagpakawala ang La Mesa dam at Ipo dam ng tubig na humalo sa ulan ni Ondoy na lumunod sa Marikina, Cainta at bahagi ng Quezon City.

Ang Bulacan ang labis na naapektuhang lalawigan sa bahang likha ni Ondoy kaya naman nalunod ang North Luzon Expressway at ang mga bayan ng Bocaue, Marilao, Sta. Maria at San Jose City.

May nasawing umabot sa 464 at nasugatang 529 at missing na 37 noon habang bilyon-bilyong piso namang halaga ng mga ari-arian gaya ng mga sasakyan, bahay, salapi at iba pa ang nasira at mga buwan at taon bago nakabawi at bumangon ang marami sa mga napinsalaan.

Kapag binabaha naman nang matindi ang EDSA o ang Taft Avenue at Rizal Avenue, anak ng tokwa, grabe rin ang mga trapik.

Sa mga baha na hanggang tuhod o beywang lamang sa Metro Manila, tiyak diyan ang ilang oras na katakot-takot na trapik na nagbubunga ng pagkakasakit ng mga nasa lansangan.

May nagkakasakit sa bato sa pagpigil sa kanilang pag-ihi habang nagkakasakit naman ang mga pumipigil ng kanilang pagdumi.

Ang mga itinatakbo sa ospital na may sakit, magdasal-dasal na silang hindi sila idedeklarang dead on arrival.

At ang mga pulis, nakukulong at nahaharang sa baha at hindi makakilos laban sa mga kriminal.

At ngayong bukas na muli ang klase at face-to-face na, tiyak na milyon-milyong bata, at mga magulang nila ang magkakandahirap-hirap kung may baha.

Hindi lang trapik ang magiging problema nila o paglalakad mismo sa baha kundi katakot-takot na pagod at kawalan ng panahon na mag-aral.

Ganyan ang mga ibinubunga ng matitinding baha.

HUMANAP NG SOLUSYON

Hindi dapat na isulong ang sisihan at awayan sa hanay ng mga lider ng bansa ukol sa problema, gaya ng nagaganap sa Senado.

May nag-aaway sa mga pumping station, sa reclamation sa Manila Bay, sa kawalan na ng puno sa mga ginagawang subdibisyon at iba pa.

Dapat akayin nila lahat ang resource persons na makatutulong nang husto para sa malawakan at malalimang pag-aaral ukol sa mga pinag-uugatan ng baha at posibleng mga gawin laban dito.

Tingnan din nila kung may kaugnayan ang baha sa matinding korapsyon, kasama ang korapsyon sa Kongreso kung meron, ang matinding kawalan ng disiplina sa tamang pagtatapon ng basura sa parte g mamamayan at iba pa.

Kilos na!  

 

Previous articleEABL Philippine Youth League Invitational arangkada sa Setyembre
Next articleMayor Tiangco nakidalamhati sa pagpanaw ng 17-anyos na biktima ng ‘mistaken identity’