Home METRO Lalaki patay habang nangingisda malapit sa Capones Island

Lalaki patay habang nangingisda malapit sa Capones Island

MANILA, Philippines – Nasawi ang isang mangingisda mula Subic, Zambales habang nasa isang fishing trip malapit sa Capones Island nitong Lunes, Enero 27.

Iniulat ni Commander Euphraim Jayson Diciano, hepe ng PCG Zambales, na ang BRP Cabra, habang nagsasagawa ng routine radio checks sa dagat malapit sa Bajo de Masinloc at kanluran ng Zambales, ay nakatanggap ng distress call tungkol sa insidente.

Sinabi ni Michael Vasquez, skipper ng fishing vessel F/B EL KAPITAN 2, sa mga awtoridad na isa sa kanilang crew na si Elpidio Lamban, 58, residente ng Barangay Calapacuan, ay nakararanas ng hirap sa paghinga at nagsusuka ng dugo.

Agad na nagtungo ang BRP Cabra sa lugar para asistihan ngunit kalaunan ay sinabi na hindi na humihinga si Lamban.

Kinumpirma naman ng medical personnel na sakay ng BRP Cabra na pumanaw na ang lalaki.

Dahil sa masamang kondisyon ng dagat, iniulat ng PCG na hindi pa agad-agad maililipat si Lamban at kaanak nito mula sa bangka, patungo sa BRP Cabra. RNT/JGC