SOLANO, Nueva Vizcaya – Sa kulungan ang bagsak ng isang empleyado ng pamahalaan at isang traysikel drayber ang naaresto sa magkahiwalay na ikinasang drug buybust operation ng pulisya sa bayan ng Solano at Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa pinaigting na kampanya sa illegal na droga ni PCol. Jectopher Haloc, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO sa bayan ng Solano, naaresto ang 42 anyos na Administrative Assistant ng isang ahensiya ng gobyerno matapos umanong magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.178 grams at kapalit ng 1,000 piso na buy bust money mula sa miyembro ng PNP na nagpanggap na buyer.
Maliban dito, narekober ng Solano PNP mula sa suspek ang dalawang saschets na naglalaman din ng hinihinalang shabu na may presyong 2,019 piso, aluminum foil strips, improvised tooter at cellphone na ginamit sa transaksiyon. Dahil sa pagiging kawani ng gobyerno ng suspek, itinuturing siya ng PNP bilang High Value Individual(HVI).
Sa bayan naman ng Bambang, arestado ang isang tricycle driver sa buy bust operation na isinagawa ng Bambang PNP. Street Level Individual(SLI) naman ang kategorya ng 42 anyos na suspek na dahil sa matumal daw na pamamasada ng tricycle, nagbebenta rin daw ng ipinagbabawal na droga.
Narekober sa suspek na residente ng Santo Domingo Proper ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na .2 grams at nakuha sa kanyang pitaka ang tatlong sachets na naglalaman din ng hinihinalang shabu na may timbang na .4 grams at motor na ginamit sa pagbebenta ng illegal na droga.
Parehong nakapiit ang dalawang suspek sa custodial facility ng Solano PNP at Bambang PNP na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 dahil sa pagbebenta at pagtatago ng ipinagbabawal na droga. (REY VELASCO)