
HINDI lang sa mga pribado at pampublikong paaralan nagkakaroon ng “Moving Up” Ceremony subalit maging sa Bahay Bulilit Child Development Center na nasa National Capital Region Police Office sa Camp Bagong Diwa ay nagkaroon ng isang malaking hakbang para sa kinabukasan ng mga musmos na anak ng mga tauhan ng pulisya.
Panauhing pandangal sa seremonya ang butihing maybahay ni NCRPO director PMGen Jose Melencio Nartatez na si Gng. Mary Rose O. Nartatez na buong siglang binati ang mga batang mag-aaral ng Bahay Bulilit.
Ang seremonya ay inorganisa ng Regional Community Affairs and Development Division na pinamumunuan ni PCOL Romy I. Palgue kung saan ang tema ay “Batang Bulilit ang Galing! Kinabukasa’y Tiyakin at Pagyamanin.”
Ipinakikita sa “Moving Up” ang kahalagahan ng patuloy na paglinang sa kakayahan ay potensyal ng mga bata. Para sa NCRPO, habang bata pa ay ipaunawa na sa mga ito ang kahalagahan ng pag-aaral.
Hindi lang mga sertipiko ng pagkilala ang iginawad sa mga batang nagtapos at nagpakita ng kahusayan sa pag-aaral subalit ginawaran din ang mga medalya para sa kanilang mga pambihirang tagumpay.
Ang programa ay pinasigla ng mga pagtatanghal ng mga mag-aaral na ipinakita ang kanilang mga talento sa pamamagitan ng mga moving-up na kanta na “Do Right” at “Pangako,” na ikinatuwa ng mga manonood sa kanilang sigasig at kakayahan.
Nakatutuwang hindi lang binati ni Gng. Nartatez ang mga mag-aaral sa pagtapos ng kanilang pag-aaral subalit nagbigay pa siya ng mensahe kasabay nang pagpapaabot ng pasasalamat sa mga magulang ng mga batang nagtapos sa kanilang walang sawang suporta, na naging instrumento sa paggabay sa kanilang mga anak.
Gayunman, kinilala rin ng maybahay ni Gen. Nartatez ang mga guro ng “Bahay Bulilit” dahil sa kanilang pambihirang dedikasyon sa pagbibigay ng gabay sa mga musmos pa ang kaisipan.
Sabi nga ng asawa ng regional director, “Harapin ninyo ang susunod na yugto ng inyong buhay nang may tapang at tiwala sa sarili. Tandaan ninyo ang inyong mga magulang, ang bahay bulilit, at ang inyong Regional Director, PMGen Nartatez, ay laging narito upang gabayan at suportahan kayo. Patuloy kayong magpakabait at mag-aral nang mabuti. Ang inyong kinabukasan ay punong-puno ng pag-asa at oportunidad.”
Idinagdag pa ni Gng. Nartatez na “Ang Bahay Bulilit ay nananatiling pangunahing priyoridad ng kanyang asawa na titiyak sa kalidad na kaalaman at ligtas na lugar para sa mga anak ng mga pulis.
O, hindi lang ang regional director ang nagpapaangat sa moralidad at pagkatao ng kanyang mga tauhan, subalit maging ang maybahay nito ay katulong niya upang ibahagi ang kanyang malasakit sa mga pulis at mga anak ng mga ito.