MANILA, Philippines – ISINELDA ang limang hinihinalang drug personalities matapos maaresto habang naaktuhang bumabatak ng droga sa isnagawang Anti-Criminality Operation ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa imbestigasyon ni Police Investigator PSSg Pamela Joy Catalla, alas-10 ng gabi nang maaktuhan nina Pat Dominic Dela Cruz at Pat Julious Cesar B Demition, kapwa ng Valenzuela Police Sub-Station 2 si alyas “Edmon”, 39, na bumabatak umano ng droga sa loob ng isang bahay sa San Gregorio Street, Barangay Gen. T De Leon.
Nauna rito, alas-8:40 ng gabi nang mahuli sa akto nina PSMS Gutierrez at Pat Capiral, kapwa ng Police Sub-Station 5 si alyas “Jayson”, 31, na sumisinghot din umano ng shabu sa loob ng isang bahay sa Sagip St., Brgy. Arkong Bato.
Pasado alas-9:20 ng gabi nang maaresto naman nina Pat Macalla at Pat Teniola, kapwa ng Police Sub-Station 6, si alyas “Dan”, 34, nang maaktuhan gumagamit din umano ng droga sa M.H Del Pilar, Brgy., Malanday.
Habang huli din sa akto nina Pat Verano at Pat Caballero, kapwa ng Police Sub-Station 8, si alyas “Edrick”, 25, na gumagamit din umano ng droga sa M. Bernardino Street, Brgy. Ugong.
Sa Brgy., Karuhatan, naaktuhan naman nina Pat Quiaño at Pat Balisi, kapwa ng Police Sub-Station 9, ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa loob ng Karuhatan Public Cemetery sa Padrigal St. ala-1:45 ng madaling araw.
Ayon kay SDEU investigator PSSg Alfredo Mendoza III, nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha umano kay alyas “Raymond”, 39.
Patuloy na hinihikayat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon sa pulisya tungkol sa mga taong may kahina-hinalang gawain. Rene Manahan