Home OPINION LINDOL SA PULITIKA NG BATANGAS

LINDOL SA PULITIKA NG BATANGAS

103
0

NILILINDOL ang pulitika ng Batangas at hindi ito basta pagyanig lang, kundi isang malalim na bitak sa tiwala ng mga lokal na lider at siyempre higit ng mga mamamayan.

Nasa gitna ng pag-uga sina Batangas Governor Vilma Santos-Recto at asawang Executive Secretary Ralph Recto, na matagal nang itinuturing na matibay ang pundasyon sa lalawigan. Ngunit ngayon, tila may bagong puwersang sumusubok bumasag sa kanilang impluwensya—ang muling pag-angat ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, na unti-unting nagiging simbolo ng “bagong bilis” at “bagong tiwala.”

Hindi maikaiila na ang pulitika ay laro ng perception. Habang ang pangalan ni Leviste ay muling nabibigyan ng sariwang kredibilidad, ang kampo ng mag-asawang Recto ay nahaharap sa batikos mula sa pinaka-ugat ng kanilang suporta—ang mga barangay.

Ang usapin ng umano’y hindi naipamahaging P200,000 ayuda kada barangay ay hindi simpleng isyu ng pera; ito ay usapin ng ugnayan, respeto, at pakikipagkapwa sa mga lider na araw-araw kaharap ang pangangailangan ng tao.

Kapag ang barangay—ang pinakamalapit sa masa—ang nagsimulang magdamdam, malinaw na may disconnect na nangyayari. Ang paratang na “kalaban daw ang mga barangay” ay isang mapanganib na naratibo.

Sa pulitika, hindi mo kailangang matalo sa eleksyon para matalo ngunit sapat nang mawala ang loob ng mga taong dating kaalyado mo.

Sinasabing kaya hindi isinama ang ilang mga barangay ay dahil na rin sa hindi pagtulong sa anak ni Gov Vilma na si Lucky Manzano na tumakbong bise gobernador. Hindi ba’t pagpapakita ito ng mas malalim na sigalot sa loob ng lokal na hanay at isang indikasyon na ang problema ay hindi na lang panlabas, kundi internal na rin.

Maraming mamamahayag na dating malapit sa tinaguriang “Star for all seasons” ang tiyak na magrereact at marahil hindi nila palalagpasin ang ganitong sitwasyon. Pero marami sa kanila ang wala na ngayon sa pamamahayag ang iba ay nasa piling na ng Maykapal. Pero tiyak ang payo ng mga iyon ay “dapat ipamahagi tutal hindi naman para sa kanila iyon kundi sa mamamayan at hindi rin naman sa bulsa nila nanggaling.”

Marami ngayon ang naniniwala sa batang Leviste sapagkat nakikita ng mga Batangueño ang totoong malasakit na dahilan naman nang pagbagsak ng tiwala ng mamamayan sa pamilya Recto.

At kapag tuloy-tuloy na nawala ang tiwala, kahit gaano katatag ang dinastiya ng Recto, maaari itong gumuho sa isang iglap o kisapmata.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here