Home OPINION LTO DAPAT UMAKSYON SA MGA PASAWAY SA KALYE

LTO DAPAT UMAKSYON SA MGA PASAWAY SA KALYE

PABATI muna ng belated happy birthday sa aking mga “inakay” na sina Anjeanette Niña at Heinrich Joseph Bascuguin na parehong Enero 16 nakita ang liwanag, magkaiba nga lang ng taon. Nawa’y matupad ang mga kahilingan nyo sa buhay at sana ay laging kayong malusog at kontenton sa anomang mayroon kayo sa inyong sarili at sari-sariling pamilya. Laging tandaan na ang anomang hiling o nais ay dapat paghirapan pagpawisan kasama ang dalangin sa Maykapal.

Kamakailan lang ay may dalawang sasakyan na napabalitang dumaan sa EDSA bus way na bagaman hinarang ng mga miyembro ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation ay walang pakundangang nilapastangan ang mga nagmamando sa nasabing lugar.

Ang isa sa dalawang sasakyan ay SUV na escort umano ng isang babaeng mambabatas at ang isa naman ay sasakyan ng gobyerno dahil pula ang plaka nito.

Ayon sa Land Transportation Office, padadalhan nila ng show cause order ang mga may ari ng sasakyan at palulutangin ang driver ng mga sasakyan.

Dalawang araw na ang nakalipas subalit wala pang follow-up sa mga nasabing sasakyang na bagaman batid na bawal dumaan sa bus way ay walang pakundangang sumuway sa batas.

Ipinakikita lang na ang mga ganitong klaseng driver ay walang disiplina. Mabuti ang ganitong mga pangyayari na narereport bagaman mabagal ang aksyon.

Paano ang mga “near miss” accident sa kalye sa dapat maireport dahil sa mga barumbadong driver? Isang halimbawa ay noong nakaraang Huwebes sa Roxas Boulevard sa bandang Malate, Maynila makalampas ng Quirino Highway nang tumupi ang salamin ng aking minamanehong sasakyan dahil sa ginawang padaplis at nipis na pag-overtake ng isang close van. Mabuti na lang at bigla akong nakapagpreno kaya nakaiwas disgrasya lamang, nahulog sa kinauupuan niya ang aking apo na nasa passenger seat sa likuran ko.

Kaagad kong tinapatan ang close van ( ATA 1050) na may marking na “DYKA” sa pinto ng sasakyan at sinabihan ang driver na “muntik na kaming nadisgrasya sa ginawa niyang pag-overtake” kaso sinagot lang ako na “bulok kang driver kasi” bago humarurot na palayo.

Paano kakastiguhin ng LTO ang ganitong mga klaseng driver na ang trabaho nila ay ginagawang karera? Dapat ang ganitong klaseng driver ay tinatanggalan ng lisensya.