Home OPINION MABILIS NA HUSTISYA AT PARUSANG BITAY

MABILIS NA HUSTISYA AT PARUSANG BITAY


GAANO kabilis ang katarungang pang-kriminal sa Pilipinas at dapat bang ibalik ang parusang bitay?

Tinatanong ito ng ating Uzi kaugnay ng isang kasong mass murder gamit ang sasakyan noong Nobyembre 11, 2024 sa China.

Nahuli agad ang suspek na si Fan Weiquio, 62, nang huminto ang kanyang sasakyan makaraang sagasaan nito ang maraming tao na kasali sa sports exercises sa Zhuhai sports complex.

Nasa 35 ang nasawi at dose-dosena ang nasugatan.

Tinangka ni Fan ang mag-suicide gamit ang isang kutsilyo pero napigilan na gawin ito.

Napraning umano si Fan nang hindi nito magustuhan ang desisyon ng korte na humatol sa kaso nitong diborsyo sa ng kanyang misis.

AGAD NILITIS

Bukod sa mga saksi sa tinawag ng pamahalaan na sobrang kalupitan na pagpatay, umamin na rin mismo si Fan na sinadya niya ang kanyang ginawa dahil nga sa nangyari sa kanyang diborsyo.

Sa Pilipinas, kung umamin ang isang akusado sa krimen, humaharang ang kanyang abogado at sinasabi nitong hindi alam ng kanyang kliyente ang kanyang ginagawa at ipaglalaban ng abogado ito para mapawalang-sala.

Kung hindi naman, ipinaliliwanag ng korte ang sasapitin ng isang umaamin sa krimen, at kasama sa mga ipinaliliwanag ang bigat ng parusa sa krimen.

At binibigyan ang akusado at ang kanyang abogado ng sapat o matagal na panahon ng pag-iisip kung aamin o hindi.

Kaya nagtatagal ang paglilitis ng kasong kriminal sa 5 hanggang 20 taon o mahigit pa sa Pinas at sa huli, sasabihin ng korte na wala nang saysay ang kaso batay sa inordinate delay na bumalewala na sa karapatan ng akusado para sa mabilis na paglilitis.

Pero sabihin na nating nagkaroon na nang sapat na batayan ang maramihang pagpatay nang intensyunal, talaga namang hinatulan si Fan na guilty, umamin man siya o hindi sa krimen.

47 ARAW PAGLILITIS

Makaraan ang 47 araw ng paglilitis, hinatulan ng korte si Fan na guilty sa pagpatay nang maramihan at hinatulan ito ng kamatayan.

Siyempre pa, inapela ang hatol sa Supreme People’s Court o SPC.

At pinagtibay ng SPC ang hatol na kamatayan.

Kahapon, binitay si Fan.

Hindi natin alam kung ano ang naging paraan ng pagbitay.

Karaniwan kasi noon na firing squad ang pagbitay gaya ng ginawa ng mga sundalong Pinoy kay Rizal sa utos ng mga Kastila noon.

Nitong 2010, iminungkahi ng SPC na gamitin na lang ang lethal injection o pagtuturok ng nakamamatay na kemikal.

Lumalabas na pinaiiral na ang firing squad at lethal injection.

Pero may nagsasabi namang ginagawa ang pagtanggal ng mga bahagi ng katawan ng convict upang gamitin sa mga maysakit na nangangailangan ng bago o ibang organ upang mabuhay.

Kinuwestiyon ito ng ibang mga bansa at sinabing bagaman halimbawa na hindi mapigilan ito, kinakailangang ideklara o tiyakin muna na patay na ang convict bago anihin ang partes ng katawan niya na kailangan ng iba.

Kayo, mga Brod, ano ang masasabi ninyo?