Home OPINION MADALAS NA PAGGAMIT NG ARTIFICIAL SWEETENERS MAKASASAMA SA PUSO, UTAK – EXPERTS

MADALAS NA PAGGAMIT NG ARTIFICIAL SWEETENERS MAKASASAMA SA PUSO, UTAK – EXPERTS

198
0

NAGBABALA ang ilang mananaliksik na ang madalas na pag- inom ng mga diet o sugar-free na softdrinks na may artificial sweeteners, partikular ang aspartame, ay maaaring magpataas ng panganib sa pinsala sa puso at utak.

Ang aspartame ay karaniwang matatagpuan sa mga produktong kagaya ng Diet Coke, Pepsi Max, Sprite, at maging sa ilang chewing gum. Matagal na itong iniuugnay sa iba’t ibang isyu sa kalusugan katulad ng altapresyon, stroke at kanser.

Ayon sa bagong pag-aaral ng mga siyentipiko mula sa Spain, ang labis na pagkonsumo ng aspartame ay maaaring magdulot ng pagbilis ng pagtanda ng utak at paninigas o pagkapal ng kalamnan ng puso.

Sa isinagawang eksperimento sa mga daga, napag-alaman na ang mataas na intake ng aspartame na tinatayang katumbas ng tatlong serving kada dalawang lingo ay may kaugnayan sa halos 20 porsyentong pagtaas ng panganib ng mild cardiac hypertrophy, isang kondisyon kung saan kumakapal ang kalamnan ng puso. Nakitaan din ng mas mabilis na paghina ng cognitive o kakayahang mag-isip ang mga hayop.

Bagama’t bumaba ng humi­git-kumulang 20 porsyento ang body fat ng mga daga, iginiit ng mga mananaliksik na may kaakibat itong masamang epekto sa mahahalagang organo.

Sa ulat na inilathala sa journal na Biomedicine and Pharmacotherapy, nanawagan ang mga eksperto mula sa Centre for Coo­perative Research in Biomate­rials sa San Sebastián, Spain, na muling suriin ang kasalukuyang limitasyon sa ligtas na konsumo ng aspartame.

Lumabas sa pag-aaral na ba­gama’t nakababawas ng ta­ba ang aspartame sa mga da­ga, kapalit naman nito ang bahag­yang pagkapal ng puso at pag­hina ng pagganap ng utak. Ipi­nahihiwatig nito na kahit sa pi­napayagang dosis, maaari nitong maapektuhan ang paggana ng mahahalagang organo.

Sa pag-aaral, binigyan ang mga daga ng 7 milligrams ng aspartame kada kilo ng timbang ng katawan, na ibinigay sa loob ng tatlong magkakasunod na araw tuwing dalawang linggo.

Iginiit naman ng Internatio­nal Sweeteners Association (ISA) na hindi direktang maihaham­bing ang resulta ng pag-aaral sa mga tao.

Anila, may malalaking pagkakaiba sa metabolismo, haba ng buhay, at pisyolohiya ng puso at utak ng mga daga at tao.

Dagdag pa nila, ipinapakita ng mga clinical trial sa tao na ang aspartame at iba pang low o no-calorie sweeteners ay hindi direktang nagpapababa ng timbang, ngunit maaari lamang makatulong sa weight management sa pamamagitan ng pagbabawas ng asukal at kabuuang calorie intake. Binanggit din na ang mga pagbabago sa puso at pag-uugali ay naobserbahan sa mga matatandang daga, kaya mahirap tukuyin kung ang epekto ay dulot ng aspartame o ng natural na pagtanda.

Noong 2023, muling umig­ting ang pangamba sa asparta­me matapos itong iklasipika ng World Health Organization (WHO) bilang “possibly carcinogenic to humans.”

Gayunman, nilinaw ng WHO na ang panganib ay may kaugnayan lamang sa napakataas na antas ng konsumo. Ayon sa organisasyon, ang isang adult na may timbang na 70 kilo ay maaari pa ring uminom ng humigit-kumulang 14 na lata ng diet soft drinks kada araw nang hindi lalampas sa itinakdang ligtas na limitasyon.

Patuloy namang pinapayu­han ng mga eksperto ang publiko na maging maingat at ba­lanse sa pagkonsumo ng mga produktong may artificial swee­teners, at mas piliin pa rin ang tubig at natural na inumin bilang pangunahing bahagi ng pang-araw-araw na diyeta.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here