
HIHILINGIN ng Department of Agriculture (DA) sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na muling isaalang-alang ang paggamit ng abaca fiber sa mga perang papel ng bansa na malaking tulong sa pagpapalago ng lokal na industriya ng abaca.
Sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na ang desisyon ng BSP na ihinto ang paggamit ng abaca fiber ay may epekto sa kabuhayan ng milyon-milyong Filipino na umaasa sa industriya ng abaca.
Nito lamang Disyembre 2024, ipinakilala ng BSP ang mga bagong perang papel na gawa sa polymer. Ang mga naunang bersyon ay binubuo ng 80 porsyentong cotton at 20 porsyentong abaca.
Kasabay ring nanawagan si Philippine Fiber Industry Development Authority executive director Arnold Atienza ng mas malawak na suporta para sa industriya, sa pagsasabing ang abaca ay biodegradable at maaaring gawing compost na kapaki-pakinabang sa mga komunidad ng magsasaka.
Ang abaca ay katutubong halaman sa Pilipinas at bumuo ng 86 porsyento ng pandaigdigang suplay noong 2023 ayon sa DA.
Gayunman, kabilang sa pinakamahihirap na sektor sa bansa ang 120,145 na mga magsasaka ng abaca, na kumikita ng mas mababa sa Php 40,000 kada taon o mahigit Php 3,000 lamang bawat buwan, lubhang mababa sa itinakdang poverty threshold ng Philippine Statistics Authority at National Economic and Development Authority na Php13,873 bawat buwan sa isang pamilyang binubuo ng limang tao.
Paano nga naman mabubuhay ang mga magsasaka kung nasa mahigit Php3,000 lamang ang kinikita kada buwan.
Mas mataas pa ang sinasahod ng mga kasambahay. Kung hindi aayusin ng pamahalaan itong problema, ang mga anak ng mga magsasaka ay maghahanap ng ibang trabaho na may mas mataas ang kanilang tinatanggap na sahod.
Ayon pa sa kalihim ng agrikultura, hihikayatin nila ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan na gamitin ang abaca fiber sa pag-imprenta ng mga mahahalagang dokumento katulad ng pasaporte.
Nauna nang sinabi ng BSP na bagaman nasa sirkulasyon na ang iba’t ibang denominasyon ng perang gawa sa polymer ay nagpapatuloy pa rin naman ang paggamit sa mga naunang perang papel na ginagamitan ng abaca.