Home OPINION MAHAL NA PRESYO NG PAGKAIN, NAKATATAKOT

MAHAL NA PRESYO NG PAGKAIN, NAKATATAKOT

KUNG mamamalengke ka ng pagkain, matatakot kang bumili.

Bakit?

Sa P1,000, anak ng tokwa, kakaunti na lang ang mabibili mo kumpara sa rami ng mabibili mo ilang taon lang ang nakararaan.

Heto ang katotohanan.

Bumili ka ng isang kilong baboy, pata o laman – P400.

Ang isang kilong manok? P200-P250.

Kung sosyal-sosyal ka, bibili ka rin ng hipon at P400-P600 kada kilo.

Resulta?

Wala ka nang pambili ng imported na well milled rice na P50-P55 kada kilo o lokal na bigas na P48-P58 kada kilo.

Heto naman ang isang pagpipilian.

Ang daming frozen na karneng baboy at manok na katabi ng mga bagong katay na baboy at manok sa mga palengke.

Ang itsura ng mga ito, parang bilasang-bilasa o putlang-putla.

Kaya ang mga presyo?

P250 kada kilo ang baboy at P150 kada kilo ang manok.

‘Di lang tayo sigurado kung papasok sa lalamunan o sikmura ang mga ito kung ikaw mismo ang mamili at ikaw na rin ang mag-ulam.

Pero dinaraan sa prito o ihaw ang mga karneng baboy at manok na ito sa mga restawran.

Hindi mo na rin malalamang frozen ang mga ito kapag isinahog sa mga gulay, pansit, lugaw at iba pa.

Ang mahalaga, may pambili ka naman ng bigas na sobrang mahal.

Sobrang mahal na hindi masikmura ng milyon-milyong isang kahig isang tuka.

Paano ka makakain nang matino sa sobrang mahal na mga pagkain at bilasang mga kapalit nito?

IBANG MGA PAGKAIN

May mga paraan naman kung paano makatipid ng bigas para hindi agad ito maubos.

Meron ding mga pamalit sa nasabing mga ulam.

Pedeng mag-almusal ng pandesal na walang kape kundi tubig o kaya’y maglugaw.

Ang meryenda, nasa sa iyo kung magkaroon ka nito o wala.

May mga pamalit naman sa mga karne na panggagalingan ng protina at iba pang mga sustansya na kailangan ng ating katawan.

May mga isda pa rin na mura gaya ng mga tilapia na maliliit at lumulundag pa sa mga banyera – at nagkakahalaga ng P100 kada kilo kumpara sa mga magaganadang uri na P150 bawat kilo.

Ang mga hito at dalag, naglalaro ang presyo sa P150-P200 kada kilo.

Ang mga gulay naman, pabago-bago ang mga presyo na mura at napakamahal.

Pede ka namang magtanim maging sa mga paso…kung wala kang lupa.

Ang sardinas at mga noodles, affordable pa rin kahit papaano.

KAILAN KAYA MATATAPOS?

Ang presyo ng mga pagkain na sobrang mahal, maging ang mga affordable, ay tunay namang mabigat sa milyon-milyong mamamayang Pinoy.

Hindi lang ang mahihirap na walang tiyak na pinagkakakitaan ang nasasaktan sa presyo kundi maging ang mga propesyonal na naglalako lang ng kanilang mga talino o lakas ng bisig para kumita.

Kailan kaya matatapos ang ganitong sitwasyon at bumalik tayo sa kahit papaano ay mas normal na kalagayan ng buhay sa paghupa ng presyo ng mga pagkain at iba pang bilihin?