Home OPINION MAHIYA NAMAN KAYO WAR, HINDI MADALI

MAHIYA NAMAN KAYO WAR, HINDI MADALI

211
0

SA gobyerno, karaniwan nang madali at mabilis ang isang mataas na opisyal sa pagtanggal sa pwesto ng hindi niya kaalyado sa pulitika o bata o kamag-anak o kaibigan o kumpare o kumare o klasmeyt sa anomang dahilan.

Pero kung kabaligtaran ang relasyon nito, ganoon din ba siya kabilis kumilos sa pagsibak sa pwesto?

Ito ngayon ang nakikita ng ating Uzi na magiging kalagayan mismo ni Pangulong Bongbong Marcos ukol sa mga sangkot sa kanyang mensaheng “Mahiya naman kayo!” kaugnay ng P350 bilyong anomalya sa anti-flood projects sa nakalipas na tatlong taon.

MAS MAHIRAP MAGPAKULONG

Ipagpalagay na nating magagawa ng Pangulo ang pagsibak.

Pero idaraan pa rin niya ito sa anomang sistema o karampatang kaso.

Maaaring ulitin ang sistemang courtesy resignation at dito gagawin ang pagsibak

Pwede ring mag-file ang Pangulo ng mga kasong administratibo o kriminal.

Mas madali at mabilis na paraan ang administratibo kaysa kriminal.

At pupwedeng pasimulan ang mga aksyon sa pamamagitan ng preventive suspension ng ilang buwan at maging tuloy-tuloy ito hanggang magkaroon ng resulta ang mga kasong administratibo o kriminal.

Sa administratibo, sibak lang sa paninilbihan sa gobyerno ang pinakadulo ng parusa, ngunit sa kriminal, may sibak na, may kulong pa.

Posible namang kasama na parusa ng dalawa ang pagbabawal habambuhay na muling manungkulan sa gobyerno ang guilty na akusado.

Mas mahirap magpakulong kaysa magsibak dahil karaniwang inaabot ang una ng siyam-siyam sa mga korte, kung isasama ang buong panahon ng pagdinig at apela hanggang sa Court of Appeals at Supreme Court, samantalang ang huli, maaaring mga buwan o 1-2 taon lang ang aabutin, maliban lang kung aabot din ang kaso sa Supreme Court.

MAY MAKUKULONG BA SA 3 TAON?

Ang pinakadulo ng usapang ito, mga Bro, ay kung may makukulong o wala na sangkot sa napakakuwestiyunableng proyektong laban sa baha bago pa lalayas sa Palasyo si Pang. Bongbong.

Maaaring may magre-resign na nga lang.

Pero paano kung kakapit-tuko sa pwesto ang nakatikim at nakaipon na sa baul ng limpak-limpak na salapi na pangkuha niya ng abogado na mas magaling pa kaysa sa mga abogado ng gobyerno?

Hindi ba napakalaking halaga ang P350B na pinagkunan ng malaking tipak para sa sariling bulsa?

At kung nakakabig ng malaking tipak ang inaakusahan ng pananarantado, kaya niyang gumastos at makipaglaban sa hukuman hanggang sa dulo at lalagpas pa sa termino ng Pangulo sa 2028.

‘Yun bang === hindi basta matatanggal ang tarantado sa pwesto at magpapatuloy ito bilang korap o mandarambong.

KUNG KONGRESMAN O SENADOR KAYA?

Lalong mahihirapan marahil ang Pangulo sa pagsibak at pagkulong sa mga kongresman o senador na maaaring pangunahing sangkot sa mga “for the boys, SOP at ghost projects.”

Tanong nga ng ating Uzi, may nakulong na bang kongresman o senador sa mga kasong kriminal na korapsyon at pandarambong?

Kung meron man, kayo na lang ang maglabas ng balitang ‘yan.

Basta sa nakalipas na tatlong taon, wala ni isa sa daan-daang mambabatas sa Kamara at Senado. Period.

At maaaring ganito rin ang mangyayari bago pa sumapit ang 2028.

Sana naman hindi. Huhuhuhu!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here