SA kasalukuyang panahon, ang kalusugan ay tila nagiging pribilehiyo kaysa karapatan, may mga inisyatibang dumarating hindi lamang bilang pansamantalang lunas kundi bilang paalala kung ano ang tunay na diwa ng pagiging institusyong pang-edukasyon at pangkalusugan.
Ang matagumpay na “Alaga at Tulong Tomasino 4.0,” na isinagawa noong Enero 23 hanggang Enero 25, 2026 sa Practice Gym ng University of Santo Tomas (UST), ay isa sa mga bihirang halimbawa kung paanong ang agham, malasakit, at pananampalataya sa serbisyo ay nagiging kongkretong aksyon para sa sambayanan.
Sa loob ng tatlong araw, libo-libong Filipino mula sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal, at iba pang lugar, ang nakinabang sa libreng serbisyong medikal, surgical, at dental.
Ngunit higit pa sa dami ng benepisyaryo kaya ibigay, ang mahalagang ay ang kalidad ng serbisyong naihatid at ang dignidad na ibinalik sa mga pasyenteng matagal nang naghihintay ng pagkakataong mapakinggan at maalagaan.
Pinangunahan ng UST Medical Alumni Association in America & Foundation at ng UST Medicine Class 1973, Bukod Tangi, ang misyong ito na isang malinaw na patunay na ang pagiging isang Tomasino ay hindi nagtatapos sa pagtatapos ng pag-aaral. Sa halip, ito ay panghabambuhay na panata sa paglilingkod.
Naging malaking tulong din ang suporta mula sa UST Hospital, UST Faculty of Medicine and Surgery, UST Medical Alumni Association, Inc. (Philippines) at UST Medical Mission, Inc.
Napatunayan ng UST na ang tunay na lakas ng isang pamantasan ay nasusukat sa kakayahan nitong makipag-ugnayan at magbuklod para sa kabutihang panlahat. Kapuri-puri rin ang partisipasyon ng mga volunteer health professionals, mga doktor, dentista, nars, at medical staff, kasama ang masisigasig na estudyante, partikular mula sa College of Nursing. Ang kanilang presensiya ay hindi lamang nagdagdag ng lakas-tao; nagbigay rin ito ng mahalagang aral sa susunod na henerasyon ng mga propesyonal sa kalusugan: na ang kaalaman ay higit na nagiging makabuluhan kapag iniaalay sa kapwa, lalo na sa mga higit na nangangailangan.
Ang lawak ng serbisyong ibinigay sa “Alaga at Tulong Tomasino 4.0” ay kahanga-hanga. Mula sa libreng konsultasyong medikal para sa bata at matanda, minor at piling surgical procedures, serbisyong dental, konsultasyon sa paningin, hanggang sa pamamahagi ng libreng gamot at salamin sa pagbabasa, na lahat ay tumugon sa mga agarang pangangailangan ng komunidad. Hindi ito simpleng medical mission; ito ay isang sistematikong interbensyon na may malinaw na layunin na abutin ang mga sektor na may limitadong akses sa serbisyong pangkalusugan, lalo na ang mga senior citizen, bata, at pamilyang salat sa yaman.






