Home OPINION MALASADONG LENDING COMPANIES KAILAN MAPATITIGIL?

MALASADONG LENDING COMPANIES KAILAN MAPATITIGIL?

PARAMI nang parami ang mga Pilipinong nalululong hindi lang sa mga sugal online subalit maging sa pangungutang sa online lending companies na walang ginawa kundi linlangin sa kanilang mga nakasusukang advertisement ang mga kliyente.

Sinasabi ng mga nagpapautang na ito online sa kanilang mga patalastas na sila ay rehistrado sa Securities and Exchange Commission kaya sumusunod sila sa patakaran kaugnay sa interest na kanilang ipinapatong sa inutang ng kanilang mga kliyente.

Ang mga kwentang ipinakikita ng mga ito ay hindi kapani-paniwala at may halong panloloko dahil ang interest na kanilang ipinapataw ay araw-araw kaya’t kahit sabihin pang mababa ang ipinakikita nilang numero, magiging mataas pa rin kapag kinuwenta ang kabuuang tubo.

Ang masakit, sinasabing ang bayaran sa mga pautang na ibinibigay nitong online loan ay pwedeng hanggang 90 araw subalit ayon sa mga nabiktima ng mga ito, 6 hanggang 10 araw lang ang ibinibigay sa kanila at kailangang maibalik kaagad nila ang pera na ang sumayad sa kanilang kamay ay wala pa halos sa kalahati ng kanilang inutang.

Isa pang masaklap na panloloko o pangwawalanghiyang ginagawa ng mga nasa online loan ay ang pamamahiya sa mga nangutang na hindi kaagad makabayad. Magtatawag ang mga ito sa mga contact nitong nangutang at iapahihiya nang todo-todo.

Gawain ba iyon ng mabuting tao? Sabihin nang kasalanan ng nangutang dahil  hindi tumupad sa takdang araw ng pagbabayad, pero bawal ‘yan base sa ‘data privacy act’. Sabagay, alam ng online loan companies na bawal ang ginagawa nilang pamamahiya kung kaya’t matapos nilang ipagbanduhan sa lahat ng mga kakilala ng nangutan ang pagkukulang nito, ayaw naman sabihin o banggitin ng mga “kumag” ang pangalan ng kanilang kumpanya.

Kasi nga, alam nilang bawal ang kanilang ginagawa.

Teka, ano na bang nangyari sa inihaing imbestigasyon ni Senator Risa Hontiveros ukol sa kamalasaduhan ng online lending companies na ito? May mga natukoy na baa ng pamahalaan bukod sa ilang kumpanyang ipinatigil ng SEC ang operasyon?

Aba’y dapat lang na malusaw na ang mga ganitong kumpanya na tila linta kung sumipsip ng dugo at pawis ng mga kababayang nahihirapang makaagapay sa hirap ng buhay sa ngayon.

Kailangang kumilos din ang SEC at maging ang Philippine National Police upang matigil na ang mga kamakasaduhang ito ng mga nagkukunwaring tumutulong sa mga Pinoy na nangangailangan ng pinansiyal na tulong pero ang totoo, sarili nilang interes ang nananig at siyempre ang pagkita ng salapi.