Home OPINION MINUS NAVOTAS, POLITIKA SA CAMANAVA PINAG-UUSAPAN NA

MINUS NAVOTAS, POLITIKA SA CAMANAVA PINAG-UUSAPAN NA

HINDI  tulad sa tatlong magkakaratid na lungsod sa hilagang bahagi ng Metro Manila area o CaMaNaVa area  na pinag-uusapan na ang paparating na May 2025 election, ang Navotas ay tahimik hinggil sa mga posibleng ‘challenger’ ng mga Tiangco.

Halimbawa’y sa Caloocan,  si dating Sen. Sonny Trillanes, base sa kanyang nga social media post ay tatakbo sa  pagka-alkalde, susubukan ang consistent election winner na si incumbent Mayor Dale Gonzalo ‘Along’ Malapitan.

Bukod sa mga post ay sinabi ni Trillanes sa isang TV interview na ang pagsubok sa local election ay pinag-iisipan pa at kung sakaling nakapagdesisyon na ay ihahayag pagdating ng March 2024 nguni’t Abril na ay ‘di pa iniaanunsyo.

Maliban kay Trillanes,  wala pang ibang pangalan na nababanggit na maaring maging katunggali ni Mayor Along na sa huling survey ng  isang refutable polling firm ay 90 porsyento ang nakuhang boto kung ngayon isasagawa ang halalan.

Sa Malabon ay mainit na tema ng usapan ang pagbabalik ni dating Mayor Antonlin ‘Lenlen’ Oreta lll na tulad ni Mayor Along ay ‘zero loss’  sa pagsabak sa election, nagsimula bilang konsehal, vice mayor at three-term mayor.

Sina Mayor Lenlen at ang yumaong Mayor Canuto ‘Tito’ Oreta na nagsilbi ng  tig-tatlong termino (18 taon) bilang Mayor ay tinaguriang mga arkitekto sa malaking ipinagbago ng ngayo’y progresibong lungsod ng Malabon.

Bukod kay Oreta ay sasabak rin si Malabon Representative Jaye Lacson Noel kaya lalabas  na three-corner fight ang labanan sa pagka-punong lungsod ng Malabon sa pagitan nina Oreta, Lacson at Mayor Jeanie Sandoval.

Sina Sandoval at Lacson ay parehong tinalo ni Oreta  sa pagka-alkalde – si Sandoval nang tumakbo ito noong May 2019 mid-term election at si Lacson sa  May 2016 national and local election.

Maugong ang pangalan ni Representative Eric Martinez sa pagka-mayor ng Valenzuela.  Kung hindi ako nagkakamali ay hindi rin nakaranas ng pagkatalo sa dekada na rin niyang pagsisilbi bilang konsehal, bise alkalde at kongresista.

Bantulot daw si Martinez pero kung sakaling  pumayag dahil sa prodding ng isang bilyonaryong financier, aba’y  ang mga Gatchalian na sa mahabang panahon ay kaalyado ay magiging kalaban na sa politika.

Sa Caloocan,  Malabon at Valenzuela ay may mga posibleng challenger na ang nakaupong mayors, maliban sa Navotas. Ito kaya’y  palatandaan na sa unang pagkakataon ay walang makakalaban ang mga Tiangco sa pagka-punong lungsod?

Kung sabagay, malayo pa naman – mahigit labing   dalawang buwan pa bago ang halalan. At kung may mga pagbabago man ay  panahon lang ang makapagsasabi – ang may tiyak na kasagutan.