Home OPINION MGA LUBOG NA PULIS, PINALUTANG NI RD NARTATEZ

MGA LUBOG NA PULIS, PINALUTANG NI RD NARTATEZ

HINDI maikakaila ng Philippine National Police na hanggang ngayon ay may mga pulis sa iba’t ibang tanggapan o unit na sumusweldo bagaman hindi ang mga ito nagtatrabaho.

Sila ang mga tinatawag na 15-30 cops  na pinagtatakpan ng kanilang superior dahil sa natatanggap na pakinabang halimbawa ay hati sa sweldo at iba pang benepisyo.

Lumulutang lang ang mga ito kapag may announced inspection kaya naman biglang darating sa opisina o unit at makikiisa sa formation para nga naman kasama sila sa bilang ng mga pumapasok o naglilingkod sa bayan.

Pero ang trabaho nila, ipinapasa ng kanilang “tagapangalaga” sa kasamahan nilang pulis kaya naman minsan nasasakripisyo ang performance ng kanilang tanggapan. Kasi nga, ang mahalaga sa nakikinabang sa kanilang kalahating sweldo ay ang tatanggaping “umento” o bahagi sa sahod ng pulis.

Hindi na ngayon talamak ang ganyang gawain sa National Capital Regional Police Office mula nang maupong regional director si PMGen Jose Melencio C. Nartatez, Jr dahil sa kanyang palagiang pagsusulong at pagpapaalala sa “Oplan Lubog”.

Bagaman mayroon pang mangilan-ngilan na hindi natatakot sa ‘warning’ na ibinigay ni Nartatez, marami na rin ang mga nasibak o nadismiss na pulis dahil sa paglagiang inspection na ginagawa ng regional director ng NCRPO sa iba’t ibang tanggapan na kanyang nasasakupan.

Umabot na sa mahigit 500 pulis ang nadismiss dahil sa hindi pagpasok sa trabaho pero patuloy na tumatanggap ng sweldo nila sa pamamagitan ng automated teller machine cards.

May mga nasuspinde na rin dahil sa hindi pagpasok o kaya naman ay pagiging malatubang pulis kaya sa ngayon, disiplinado na ang mga nakatalaga sa NCRPO dahil nga alam nilang hindi nagbibiro ang ‘disciplinarian’ nilang RD. Sa madaling salita, lumutang ang mga lubog na pulis.

Ngunit sa kaalaman ng lahat, bagaman disciplinarian, si Nartatez at may malasakit sa kanyang mga tauhan. Pinupuri at pinararangalan ang mga karapat-dapat kaya naman umaabot na sa mahigit 600K awards ang kanyang naipamahagi sa kanyang mga pulis na katuwang sa pagseserbisyo sa mamamayan.

Tama naman ang ginagawa ni RD, NCRPO. Nais niyang mapagsilbihan ng tama at maayos ng mga pulis ang mga mamamayan. Trabaho ng mga pulis ang panatilihing maayos at payapa ang mga komunidad at pamayanan, paano nga naman maayos kung mismong mga pulis ay hindi mahagilap para hingian ng tulong ng mamamayan?