DALAWANG malalaking isyu sa Senado ang nakasalang ngayon.
Ang male-maletang kikbak sa flood control scandal at impeachment.
May nagsasabing unahing asikasuhin o bigyan ng higit na pansin ng Senado o ng Impeachment Court ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte kaysa male-maletang kikbak ng mga mambabatas at taga-Palasyo.
O kaya’y kalimutan na lang ang male-maletang kikbak at impeachment lang ang importante.
Sa kabilang dako, may nagsasabi namang higit na importante ang male-maletang kikbak at ito ang dapat na unahin at kalimutan na lang ang impeachment.
May nagsasabi namang parehong mahalaga ang dalawa at usigin ang dapat usigin sa tamang panahon.
MGA ISKEDYUL
Sa ngayon, sisimulan ang imbestigasyon sa male-maletang kikbak sa flood control scandal sa darating na Huwebes o Hunyo 4, 2026.
Ang paglilitis naman sa impeachment ay sa Hulyo 6, 2026.
Kung hindi maaagaw ng minorya nina ex-Senate President Tito Sotto ang mayorya anomang araw, tuloy ang imbestigasyon sa male-maletang kikbak.
Kung magtatagumpay sila, tapos na rin ang usaping ito.
At ang paglilitis sa impeachment na lang ang matutuloy na tila hindi na mapipigilan.
Sa katunayan, gustong paagahin pa nga ito ng pro-impeachment group.
MGA SIMBAHAN HATI-HATI
Hindi lang ang mga politiko ang hati-hati ang posisyon sa dalawang isyung ito.
Karamihan sa mga nasa Kamara o kongresman ang gustong impeachment lang ang pag-uusapan habang nahati rito ang Senado at ang minorya ang may gusto nito.
Lumilitaw namang ayaw pag-usapan ang kikbak ng higit na nakararaming kongresman habang nakararami ngayon sa Senado ang may gusto nito.
Ngayon naman, nahahati rin ang mga simbahan nang buo o parte-parte.
May ilang grupong buo ang pagsusulong ng impeachment at kikbak habang ang iba, sumasang-ayon sa kagustuan ng mga nakararaming kongresman o senador.
May mga hati-hati rin sa loob mismo ng mga simbahan.
Kabilang sa mga aktibong lumalahok sa mga usaping kikbak at impeachment ang Simbahang Katolika, Iglesia ni Cristo, Philippine Independent Church, Kingdom of Jesus Christ, iba’t ibang Protestante at Islam.
Hindi nila maiiwasan ang makilahok kahit magkakampi at magkakalaban dahil binubuo sila ng mga mamamayang botante at nasasaktan at napagkakaitan ng serbisyon bayan dahil sa male-maletang kikbak at impeachment.
Ngunit hanggang saan ang impluwensiya ng mga ito upang magtagumpay o mabigo ang imbestigasyon at paglilitis sa male-maletang kikbak at impeachment?
MGA POLITIKO VS SIMBAHAN
Kung susubaybayan talaga ang mga pangyayari, mga Bro, halos walang pakialam ang mga politiko sa mga simbahan, may impluwensya man o wala ang mga ito.
May sariling interes ang mga politiko na kanilang sinusundan mula’t sapul.
‘Yun bang === manatili o makapang-agaw ng kapangyarihan na ang puno’t dulo nito ay manatili o makaagaw ng poder at magpayaman.
Ang serbisyong bayan ay sekundaryo lamang at ang pondong bayan na para sa serbisyo publiko ay hindi para sa kapakanan higit ng mamamayan kundi sa kanilang bulsa.
Taliwas naman dito ang inilalakad ng nakararaming simbahan at ang prinsipyong paglingkuran at protektahan ang sambayanan bilang pangunahing tungkulin ng pamahalaan ang kanilang isinusulong.
Alin sa kanila kaya ang magwawagi sa huli?






