Home OPINION MANILA TRENCH = MAGNITUDE 9.3

MANILA TRENCH = MAGNITUDE 9.3

282
0

ALAM ba ninyong isa sa mga mahigpit na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang Manila Trench earthquake o lindol?

Iba ito sa posibleng magnitude 7.2 na The Big One mula Bulacan hanggang Laguna at Cavite na daraan sa Metro Manila at maaaring pumatay ng 30,000-50,000 mamamayan, lalo na kung gabi ito mangyari , na bantay-sarado rin ng Phivolcs.

Binabantayan talaga ng Phivolcs ang Manila Trench lindol dahil higit o kasinglakas ito ng magnitude 9.2 na naganap sa Sumatra, Indonesia noong 2004 (hindi 2014 gaya ng unang nailathala rito) na pumatay ng mahigit 220,000 tao sa Indonesia, Thailand, Sri Lanka, India at iba pa.

Inaasahang maglalaro sa magnitude sa 8.8, gaya ng nangyari sa Russia kamakailan lang, hanggang 9.3 ito at maaaring lilikha ito ng tsunami o alon na 9.3 metro o 30.5 piye o katumbas ng bubong ng ikatlong palapag ng karaniwang gusali.

Pero, ayon sa Phivolcs, batay sa galaw ng mga lindol sa tapat ng Ilocos Sur nitong Disyembre 2024, posibleng aabot sa magnitude 8.4 ang Manila Trench quake ngunit maaaring lilikha ng tsunami na 14.7 metro o 48.2 piye o hanggang kisame ng ika-4 palapag

Kung maganap ito, ano naman kaya ang mangyayari sa ating bansa, lalo na sa mga nakatira sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Zambales, Bataan, Metro Manila, Cavite, Batangas, Mindoro at Palawan na pangunahing matatamaan ng tsunami at nakagigiba ng mga gusali na lindol?

Pati mga pier ay lulubog at posibleng lulubog din ang maraming sasakyang pandagat sa buong South China Sea, kasama ang West Philippine Sea.

Ang Manila Trench, mga brad, ay mula Taiwan hanggang Mindoro at alam ba ninyong aabot ang tsunami nito sa Indonesia, Vietnam, Thailand, China at iba pa?

Ayon sa mga nag-aaral dito, milyones ang maaapektuhan at baka hihigitan ng Manila Trench tsunami ang pinatay ng Sumatra tsunami na mahigit 220,000.

Nakahanda na ba kayo sa lindol ng Manila Trench na maaari umanong maganap mula sa oras na mabasa ninyo ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here