Home NATIONWIDE Mas mahigpit na security measures, siniguro ng DND sa holiday season

Mas mahigpit na security measures, siniguro ng DND sa holiday season

MANILA, Philippines – Pinawi ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pangamba ng publiko kaugnay sa kanilang kaligtasan sa papalapit na holiday season kasunod ng pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City nitong Linggo na kumitil sa buhay ng apat katao at ikinasugat ng nasa 50 indibidwal.

“Hindi dapat kabahan ang ating kababayan dahil nasa amin ang responsibilidad na alagaan ang kanilang kaligtasan sa mga ganitong insidente,” saad sa pahayag ni Teodoro nitong Linggo.

Sinabi ng DND chief na ipinag-utos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya na agad na resolbahin ang kasong ito at siguruhin na hindi na ito mauulit.

Samantala, sinabi ni Teodoro na inilagay na ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng regional offices nito sa “red alert” status habang ang mga unit sa Metro Manila ay nasa heightened alert.

Inalerto rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Mindanao at Metro Manila kasunod nito.

Bago rito, sinabi ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. na magtutungo siya sa Marawi City upang tignan ang sitwasyon at magsagawa ng command conference kasama ang military at police ground commanders.

Nangako rin si Brawner na tutugisin nito ang grupo na sangkot sa pagpapasabog.

Maliban kay Brawner, magtutungo rin sa Marawi City ang regional directors ng Office of Civil Defense (OCD) para tutukan ang pangangailangan ng mga residente.

Nauna nang kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karumal-dumal na aksyong ito na aniya, ay dayuhang terorista ang nasa likod nito.

Kinondena rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang bombing incident.

“Acting on the instructions of President Ferdinand R. Marcos (Jr.), I have directed the PNP to send troops to set up checkpoints and enhance police visibility to protect the residents and maintain peace and order in the area,” saad sa hiwalay na pahayag ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr.

“Violence has no place in the Bagong Pilipinas (New Philippines). We assure our people, especially the families of the victims, that we will apply the full force of the law and employ all legal means to bring the perpetrators to justice,” dagdag niya. RNT/JGC

Previous articleSC nag-isyu ng panuntunan sa paglalabas ng resulta ng 2023 Bar Exam, oath taking ceremony
Next articleOutgoing internal affairs service chief sinuspinde ng PNP