MANILA, Philippines – Naglabas na ang Korte Suprema ng official QR code para sa gaganapin na livestream ng mga mag-aabang sa resulta ng 2023 Bar Exams bukas, Disyembre 5.
Sa abiso ng Supreme Court, ilalabas din ang listahan ng resulta sa kanilang official social media accounts para sa mga hindi makapupunta sa tanggapan ng SC sa Maynila para personal na saksihan ang paglalabas ng resulta.
Paalala ng Korte Suprema sa mga pupunta sa Supreme Court bukas na magsuot ng disenteng damit at face mask.
Alas-12:00 ng tanghali ilalabas ang resulta ng 2023 Bar Exams.
Sa Miyerkules, Disyembre 6 hanggang Disyembre 15, ang pag-aayos naman ng clearance para sa mga nakapasa sa Bar Exam.
Ayon sa SC, ang successful bar examinees na nakasunod sa panuntunan ng application requirements ang papayagang makapag-proseso ng clearance para sa oath taking ceremony.
Maaaring tingnan sa website ng Bar Applicant Registration Information System and Tech Assistance o BARISTA ang status kung nakasunod na, para maasikaso ang clearance.
Dapat mag-upload ng bagong 2×2 photo na naka-business attire at walang nameplate ang mga mag-aasikaso ng clearance.
Kailangang magbayad ng P5,000 na Bar Admission Fee, P100 na Certification Fee, at P90 na Documentary Stamp Tax.
Ipadadala sa BARISTA accounts at email ng mga successful bar examinees ang official invitation para sa oath taking ceremony, na gaganapin sa December 22 sa SMX Convention Center sa Pasay, alas-11:30 ng umaga.
Paaalala rin na dapat ay naka-proper court attire ang mga manunumpang bar examinees, at dapat naka-proper business attire ang mga kasamang guest. Teresa Tavares