MANILA, Philippines- Nagbabala ang state weather forecasters ng PAGASA nitong Biyernes na hindi pa nararanasan ang pinakamalalang epekto ng El Niño.
Sinabi ng PAGASA na asahan na ng publiko na aabot ang aktuwal na temperatura sa 40 degrees Celsius, partikular sa ilang lugar sa northern Luzon.
Nagbabadya ring tumaas ang heat index.
“Hindi pa natin nararanasan ‘yung sinasabi natin na matinding mga init until mag-terminate tayo ng Amihan. May mga areas na na-predict natin could be as high as 40 degrees lalo na sa mga areas ng Cagayan Valley region by April, May, makikita natin yun,” wika ni Ana Solmoro Solis, pinuno ng PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section.
Bagama’t naranasan na ang peak ng malakas na El Niño noong nakaraang buwan at inaasahang hihina na, mararamdaman ang epekto nito sa susunod na tatlong buwan, dagdag ni Solis.
“Historically, lagi pong may lag effect ang El Niño, ibig sabihin although pababa na ‘yung strong and mature El Niño, ngayon pa lang natin mararanasan ang posibleng magiging impact sa pagsisimula ng Marso,” aniya.
Batay sa pinakabagong datos ng PAGASA hanggang nitong February 25, 24 lalawigan sa bansa ang nakararanas ng meteorological drought conditions, o hindi bababa sa 60% reduction mula sa average rainfall para sa tatlong magkakasunod na buwan, o 20 hanggang 60% reduction mula sa average sa loob ng limang magkakasunod na buwan.
Nagdeklara na ang bayan ng Bulalacao sa Negros Oriental ng state of calamity dahil sa pinsala sa agrikultura dulot ng El Niño.
“Ang critical is ‘yung sa May dahil onset ito ng rainy season. What if ‘yung iba hindi pa makabawi? May mga areas na made-delay ang onset ng rainy season eh galing na sila sa prolonged drought,” ani Solis.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa publiko na magtipid ng tubig sa inaasahang pagbaba ng lebel ng tubig sa mga dam na maaaring makaapekto sa suplay ng tubig. RNT/SA