Home OPINION MAS TAMANG TAWAGING CRIMEWATER

MAS TAMANG TAWAGING CRIMEWATER

WALANG tubig mula sa gripo — pero galon-galon ang tapang ng apog ng mga Villar.

Sa San Jose del Monte, Bulacan, ilang araw nang walang tubig ang mga pamilya. Ang salarin? Ang PrimeWater, ang pribadong kompanyang pagmamay-ari ng pinakamayamang political dynasty sa bansa — ang mga Villar. Hindi lamang ito basta palpak na serbisyo; isa itong paulit-ulit na kapabayaan, garapalang pagkakamal ng kita, at contractual entrapment na idinaan sa public-private partnership.

Simula nang magkaroon ng joint venture noong 2018 ang PrimeWater at San Jose del Monte Water District, nagdusa na ang mga residente sa mataas na singil ng tubig na mas madalas namang walang supply. Isang konsehal ng lungsod ang nagbato ng tanong na obvious ang sagot: Bakit walang sinoman sa Senado ang nakakaisip mag-imbestiga rito? Ang sagot, siyempre pa, ay dahil miyembro ng kapulungan si Sen. Cynthia Villar, at pumupuwesto si Camille Villar para palitan sa Senado ang kanyang ina. Hindi mo naman pupunahin ang isang inaasahan mong mamanahin mo, ‘di ba?

Linawin lang natin — hindi lang San Jose del Monte ang sineserbisyuhan ng PrimeWater. Mayroon itong mahigit 130 joint ventures sa buong bansa. At ang nag-uugnay sa lahat ng — mula sa Cavite hanggang Bukidnon — ay ang iisang kwento nang palpak na serbisyo, sobrang taas na singil, at pinagkasunduang kita na ikinalulugi ng gobyerno. Pinuna na ng Commission on Audit ang iregularidad sa “partnerships” na ito. Gayunman, ang kontrata ay tumatagal ng hanggang 25 taon. Naka-lock in na ang bansa, habang todo-kita naman ang mga Villar.

Ngayon, na matindi na naman ang galit ng publiko, pinili ni Camille Villar na magsawalang-kibo. Patuloy lang siyang nananahimik, kahit pa umiigting na ang mga protesta, nag-iimbestiga na ang mga gobernador, at tuluyan nang tumigil ang pagtulo ng tubig sa mga gripo. Walang transparency. Wala ring nananagot. Simpleng arogante lang ang pagsasawalang-kibo ng de-pribilehiyong dinastiya.

Aminado kahit si Vice Gov. Alex Castro ng Bulacan: hindi sila makakuha ng kopya ng kontrata ng kompanya. “Para kaming naka-hostage,” aniya. At tama siya. Umaaktong walang pananagutan ang PrimeWater — at walang magawa rito ang LGUs, wala ring kahit katiting na dignidad bilang serbisyo-publiko.

Makikipagpalitan ng pwesto si Mayor Arthur Robes — sa termino niya nilagdaan ang kontrata — sa asawang si Cong. Rida Robes, na nangangako ngayon ng “full and honest review.” Pero hindi na kailangan pang hintayin ng publiko ang mga ganitong drama tuwing eleksyon. Sa simula pa man kasi, problemado na ang transaksyon.

Hindi lamang ito lokal na krisis. Isa itong pambansang sentimyento, galing sa gripo. Malalim na ang ugat sa pulitika at sa pagnenegosyong ginawa ng mga Villar na ang isang pangunahing karapatang pantao ay naging ‘business model’ na binubuo ng monopolyo, kagarapalan, at kawalang pananagutan.

Hindi lamang tayo tinutuyot. Sinasaid nila ang anomang natitira pa sa atin. At habang kinukuha nila ang lahat sa atin mula sa kanilang tore ng mga pribilehiyo, ang buong bansa ay naiwang bitak-bitak sa katuyutan, nanggagalaiti — at handa nang hatawin ang kanilang mga gripo. Sa kabila ng lahat ng ito, dapat nga bang mahalal sa Senado si Camille? Sigurado akong I won’t drink to that.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.