
TAPOS na ang halalan at may ‘projected winners’ na sa bilangan. Gayunpaman, kapansin-pansin na hindi lahat ng kandidato mula sa “Alyansa” ay nakalusot. Marami ang nagtatanong: bakit may mga malalakas na pangalan na hindi pinalad? Maraming naghahaka-haka na malaki ang naging epekto ng mga galawan ni Speaker Martin Romualdez.
Biruin nyo, kahit si Sen. Bong Revilla na matagal nang itinuturing malakas at kilalang kandidato ay hindi nakalusot. Miyembro siya ng Lakas-CMD, ang partido mismo ni Romualdez. Bakit hindi niya natulungan? Nangako siya na magdedeliver sa buong Region 8 para sa Alyansa senatorial bets pero hindi naman ito nangyari.
Parang isang taong may body odor si Romualdez, lahat nang dumikit sa kanya ay tila naaanggihan ng amoy. Pansinin n’yo ang resulta sa Marikina City, si Stella Quimbo ay hindi pinalad na manalong alkalde. Ganoon din ang nangyari kay Mannix Dalipe sa Zamboanga City. Maging sina Benny Abante at Dan Fernandez ay nadikitan din ng amoy ng House leader.
Hindi maikakaila na pabigat na ang tingin ng marami kay Romualdez sa administrasyong ito. Sa halip na magsilbing haligi ng suporta, siya’y tila naging pasaning unti-unting nagpapahina sa posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Ang sunod-sunod na kontrobersyang kinasangkutan niya—mula sa ChaCha na may bahid ng suhulan, ang 2025 national budget na puno umano ng “insertions,” hanggang sa tila personal na pagbatikos kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment—ay nagdulot ng matinding ‘backlash’ mula sa publiko.
Dagdag pa rito ang pag-uutos na arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte, isang hakbang na lalong nagpagulo sa hanay ng administrasyon at nagtulak ng pagkakawatak-watak sa mga kaalyado. Sa halip na pagkaisahin ang koalisyon, tila naging dahilan pa si Romualdez ng lalong pagkakahati-hati.
Tulad ng sinabi ni dating Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon, “Malapit na umabot sa lupa ang rating ni Romualdez… pabigat siya kay PBBM.” Sa dami ng ‘political baggage’ na kinakaladkad niya, malinaw na hindi na siya nakatutulong kundi nakasasama sa kredibilidad at tagumpay ng administrasyon.
Tila wala nang ibang dapat gawin si Pangulong Marcos kundi ang maghanap ng bagong lider sa Kamara pagpasok ng susunod na Kongreso. Kailangan ng Pangulo ng isang lider magbabalik ng tiwala ng taumbayan.
Dapat magbitiw na si Romualdez, hindi bilang pagkatalo, kundi bilang hakbang tungo sa isang mas pinagkakatiwalaang gobyerno.