Home NATIONWIDE Maternity kits sinisilip ibigay sa low-income na mga buntis

Maternity kits sinisilip ibigay sa low-income na mga buntis

MANILA, Philippines- Isang panukala ang inihain sa Kamara ni Las Pinas Rep. Camille Villar na nagsusulong na mabigyan ng maternity kits ang mga mahihirap na buntis sa layon na rin na matiyak na magkakaroon sila ng kalidad na prenatal care.

Sa House Bill No.10694, tinukoy ni Villar ang datos ng United Nations Population Fund (UNFPA) na nasa 2,478 buntis ang namatay sa Pilipinas noong 2021 dahil sa panganganak at pregnancy-related complications.

Sa naturang UNFPA report ay 14 porsyento ng mga buntis ang walang natatanggap na medical care kasama rito ang regular checkups habang isa sa bawat 10 buntis ang walang natatanggap na tulong mula sa mga skilled healthcare personnel sa kanilang panganganak.

“It is the objective of this bill to improve such condition by establishing a Maternity Kit for Pregnant Filipino Women program that will advance prenatal care for poor or near-poor Filipino women, thereby reducing child mortality and empowering women to perform their role in nation-building,” ayon kay Villar.

Sa panukala ni Villar, ang maternity kit ay dapat mayroong kasamang kumot, diaper, gauzes, towels, nappies, bedding at child care products.

Ang maternity kit ay libre at ibibigay sa mga buntis na tutukuyin ng Standardized Targeting System o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act.

Sa ilalm ng panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangangasiwa sa pagpapatupad ng programa. Gail Mendoza