ISA sa mga malinaw na binanggit ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa kahilingan nilang magsalita nang mas malalim at totoo sa isang executive session ang halos pagkakapareho ng karanasan nilang mga kontraktor sa government projects.
Naganap ito sa ilalim ng imbestigasyon sa flood control projects ni dating Blue Ribbon committee chairman Rodante Marcoleta.
Ipinahiwatig ng mga Discaya na may mga makapangyarihan talaga na rumerenda sa kabuuang daan-daang bilyong iskandalo sa flood control projects, kasama na sina House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co.
Kung isasama natin ang mga isiniwalat din ni Navotas Congressman Toby Tiangco ukol kay Co, lalong lilinaw ang usapin.
Paano kung isama ang mga isinisigaw din ni Vice President Sara Duterte na dalawa lang ang may kontrol sa pananalaping bayan, sina House Speaker Martin Romualdez at Co na pinaratangan ni Tiangco na nakakabig sa 2024 General Appropriations Act ng P13.8 bilyong pondo para sa maiskandalong flood control projects?
LAHAT NAGDE-DENY SA PARATANG
Bale 19 lahat na kongresman, nakaupo pa at wala na sa Kamara, ang aktuwal na pinangalanan ng mga Discaya na sangkot sa flood control projects scam.
Lahat sila itinatanggi ang mga paratang at lahat din at nagbabalak o tiyak na magsasampa ng mga kaukulang kaso, gaya ng libelo at iba pa, laban sa mag-asawang Discaya.
Pinangunahan ni Romualdez ang mga pagpabulaan sa mga akusasyon ng mag-asawa at sinabi pa nitong papanagutin nito ang mga gumagamit ng kanyang pangalan sa anomang anomalya na wala silang kinalaman.
May dalawa namang senador na idinadawit ni Asst. DPWH engineer Brice Hernandez sa multi-milyong anti-flood project.
Gayunman, habang ginagawa ang sulating ito, walan direktang pahayag na may nagdeliber ng 20% porsyento sa mga senador.
Mariin namang itinanggi ni Sen. Jinggoy Estrada ang paratang at hinamon si Hernandez na magsabay silang magpa-lie detector test sabay-sabing si Hernandez ang natagpuang sinungaling at korap batay sa mga ebidensya ng mga pekeng ID nito at rekord ng mga pagka-Casino nito na roon natatalo ng malalaking halaga mula sa mga sariling kikbak nito.
PROOF BEYOND REASONABLE DOUBT
May malaking problema ang mga nagpaparatang ng korapsyon at pandarambong sa mga kongresman at senador.
Totoong nagsasabi sila na malalaki ang mga kikbak ng mga mambabatas subalit kailangan nilang mapatunayan na meron ngang nakarating na kikbak sa mga ito.
Karamihan kasi sa pagdedeliber umano ng mga kikbak ang idinaan sa mga bagman at kung may mga ebidensya man, walang malinaw na tanggapan ng kikbak ng mga mambabatas at mga nagpaparatang.
Papaano kung ang paratang ay maitutulad sa isang Volataire Claveria na matapos matanggap ang mga bigay na porsyento ng mga kongresman ng mga Discaya, eh, bigla na lang maglaho o ayaw tumestigo o mag-deny rin bilang bagman o kakutsaba ng mga mambabatas?
Alalahaning proof reasonable doubt o lampas sa makatwirang paghihinala o pagdududa ang kailangang ebidensya upang madeklarang guilty ang akusado.
Iba ang pagpaparatang lang sa pag-aakusa na may napakatibay na ebidensya na dokumento, materyal gaya ng perang iniabot mismo o direktang abutan ng pera o hindi mapasisinungalingang testimonya at iba pa.






