Home OPINION GINAGAGO NA TAYO!

GINAGAGO NA TAYO!

268
0

GINAGAGO na tayo ng mga namumuno sa ating bansa. Pinagmumukha nila tayong mga walang alam at kayang paikutin.

Sa nangyayaring imbestigasyon, kapwa sa dalawang kapulungan ng Kongreso, malinaw na walang pakialam ang mga inihalal nating mga lider sa ating damdamin at kapakanan. Mga pansariling interes lang ang kanilang iniisip.

Wala tayong ibang hangad kundi malaman ang mga buwayang nabusog ng salaping bayan sa mga ghost flood control projects.

At kapag natukoy, kasama ang kanilang pinuno sa malawakang sabwatan, dapat na sila ay parusahan at maipakulong. Kailangang bawiin din ang kanilang mga ninakaw.

Ngunit ang ating mga mambabatas, hindi pa man lumalalim ang pagsisiyasat, ay agad na nagtuturuan.

Walang umaamin, kahit itinuro na sila ng mga kasabwat na kontratista.

Ang masaklap, habang unti-unti nang lumilitaw kung sino-sino ang mga buwayang nakinabang sa mga perang ninakaw sa “guni-guning pagawain” na pagkontra sa baha, biglang nagkaroon ng kudeta sa Senado at rigodon ng mga puwesto.

Tinanggal si Sen. Rodante Marcoleta sa makapangyarihang Blue Ribbon Committee at ipinalit si Sen. Ping Lacson. Ano na ngayon ang susunod na kwento?

Kamakailan ay sinabi ni Lacson na mayroong 67 kongresista na dawit sa mga ghost flood control project ngunit hanggang ngayon ay wala siyang pinapangalanan. Ano ang pumipigil sa kanya?

Ngayong siya na ang pinuno ng blue ribbon, baka naman maaari na niyang isiwalat sa publiko ang pangalan ng mga mambabatas na magnanakaw.

Tutal ay mukha namang marami siyang alam at ebidensya, ito na ang pagkakataon ni Lacson na magpabida.

Kailangan ng taumbayan ng tunay na pagsisiyasat, hindi tulad sa Kamara na alam naman ng lahat na gusto lang ilihis ang katotohanan at pagtakpan ang kanilang mga kakampi. Kailangan ng taumbayan ng mga pangalan.

Gusto naming makita na ang mga mandarambong ay nakaposas na kinakaladkad sa kanilang mga mansyon upang panagutin sa kanilang mga kawalanghiyaan sa bayan.

Tapusin na ang kagaguhang ito upang lumamig ang ulo ng mga kababayan nating malapit nang sumabog sa galit at nagpaplano ng panibagong sambayanang lakas para mapatalsik ang mga inutil at kawatang mga nasa pamahalaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here