TULAD ng dapat asahan, kumanta na ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya sa nadidiin sa mga ghost at sub-standard na mga proyektong nakuha sa pamahalaan.
Bagama’t mariing itinanggi ng mag-asawa na mayroon silang mga ghost projects at sub-standard na proyekto isiniwalat naman nila sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado ang pangalan ng mga kongresista, kanilang mga tauhan, at opisyal ng Department of Public Works and Highways na binibigyan nila ng porsiyento sa bawa’t flood control projects na kanilang nakukuha sa gobyerno.
Wala naman talagang choice ang mag-asawa kundi sabihin na ang nangyayaring kalakaran dahil kung sila ang madidiin ng tuluyan sa isinasagawang imbestigasyon, malamang na maubos ang kanilang salapi at ari-arian dahil ipi-freeze ang kanilang mga salapi sa bangko at kukumpiskahin din ang kanilang mga naipundar na pag-aari.
Ang layunin naman talaga ng mag-asawa ay mapasailalim sila sa Witness Protection Program at patunayang sila ang “less guilty” sa naturang fiasco at mga biktima lamang sila ng mga tiwali sa pamahalaan.
Pero mabigat din talaga ang laban ng mga Discaya dahil una, wala naman silang maipakitang ebidensiya na tinanggap nga ng mga kongresista at opisyal ng DPWH ang daang milyong halaga ng porsiyento sa mga proyekto lalu na’t inamin nila na kinukuha ito sa kanila o ibinibigay nila sa mga nagpapakilalang trusted men o women ng mga opisyal.
Siyempre, itatanggi ng mga opisyal ang bintang at kung ano-anong dahilan ang magiging depensa, una na nga rito ang kawalan ng ebidensiya.
Yun nga lang, sino ang maniniwala sa kanila, kahit minu-minuto o oras-oras nila itong itanggi dahil bantad naman talaga ang umiiral na kalakaran sa paghingi ng porsiyento ng mga pulitiko noon pa man na bago pa pumutok ang malaking pondong ibinuhos sa flood control projects.
Siguro, ang maniniwala sa kanila, ay ang kanilang pamilya at mga taong nakinabang sa kanila kaya kahit anong tanggi pa ang gawin ng mga kongresista at opisyal ng DPWH, tiyak na hiyang-hiya na rin ang kanilang mga mahal sa buhay, lalu na yung ipinagmamalaki pa ang karangyaang tinatamasa mula sa kamay ng kanilang padre-de-pamilya.
Sana nga lang, mayroon sanang isa o dalawa man lang na kongresista at opisyal ng DPWH ang makonsensiya at umamin na sa kanilang nagawa dahil tutal naman, hindi lang naman ngayon lang ito nangyayari kundi noon pa mang wala pa sila sa kongreso.
Hindi ba’t noong unang mga buwan pa lang ng pag-upo ng isang nadawit na kongresista ay naging laman na siya ng blind item dahil ang kanyang tatay raw ang nagmamani-obra sa paghingi ng porsiyento sa mga proyekto at ang masaklap, nagtakda pa si tatay ng mas mataas na porsyento kumpara sa dati kaya ayun, na-blind item silang mag-ama. Gayunman, nanalo pa rin si Congressman sa ikalawa niyang termino.
Ang nakakatawa naman, matapos ma-adjourn ang pagdinig, nainterview sa isang talk show sa television si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. at sa pagtatapos ng interview, hindi alam ng kongresista na “on air” pa siya nang maibulalas ang napakalutong na pagmumura.






