Home OPINION MAY SUNOG NA, LINDOL TULOY PA

MAY SUNOG NA, LINDOL TULOY PA

GRABE ang lindol sa Japan na nagsimulang naganap kamakalawa ng hapon.

Sinasabi nating nagsimula dahil susundan pa ang magnitude 7.6 ng ilang magnitude 7 sa mga susunod na mga araw, ayon sa Japan Meteorological Agency.

Dahil sa lakas ng lindol, mga Bro, na sentro ang Ishikawa prefecture, napakarami ang gumuhong gusali at bahay.

May ilan nang deklaradong patay ngunit hinuhukay pa ang mga gumuhong gusali at bahay para malaman ang buong bilang ng mga ito at mga nasugatan na rin.

Pero may halong malawakang sunog na naganap sa Wajima City na sakop pa rin ng Ishikawa Prefecture.

Nasa 30,000 pamilya ang ngayo’y pinatayan na rin ng kuryente dahil sa sunog na nalikha ng lindol.

MGA PROBLEMA

Nagaganap sa mga lugar na sinalanta ng lindol sa Japan ang matagal na nating tinatalakay sakaling tamaan ang Mega Manila ng The Big One mula sa West Valley Fault na magmula sa Noragaray, Bulacan hanggang sa Cavite at Laguna ngunit daraan sa Metro Manila.

Habang tinitipa natin ito, may umaapoy at umuusok pang mga bahay sa  Wajima City makaraang magliyab ang mga ito habang lumilindol.

Malaki talagang posibilidad ang pagkakaroon ng sunog sa mga nililindol na lugar dahil sa pagkalagot ng mga kuryente at kung nagsimula na ang sunog, kasunod na nito ang pagsabog ng mga tangke o tubo na suplay ng mga gas na pangluto sa mga gusali.

Ang isang mapait na katotohanan, hindi makapasok ang mga bumbero galing sa ibang lugar dahil maraming kalsada ang hindi maraanan nang magkabitak-bitak o ganap na nasira ang mga ito at alanganin din ang mga tulay na tatawirin ng mga firetruck at maging ng mga rescue vehicle, kasama ang mga ambulansya at police at military truck.

Kung maganap ang The Big One, hindi kaya mangyayari ito sa maraming lugar na daraanan ng lindol?

Hindi pa natin pinag-uusapan dito ang posibleng pagkasira ng mga ospital sa Japan na karaniwang takbuhan ng mga biktimang nasusugatan at dead on arrival.

Paano ang posibilidad na may 30,000 hanggang 50,000 na mamamatay sa unang bugso ng The Big One?

Kung mangyari ito, sasabay ang pagkuha ng libo-libo ring sugatan patungo sa mga ospital sa pagpulot ng mga bangkay sa mga gusaling guguho, sa mga lulundag na tren sa mga riles at lulundag na sasakyan mula sa mga skyway at iba pa.

MGA PAGHAHANDA NASAAN?

Nasaan na nga pala ang ating mga paghahanda laban sa The Big One  na sasalakay anomang oras?

Kung maganap sa gabi, ano-ano ang mga gagawin at kung sa araw, ano-ano rin ang mga gagawin?

Sa araw kasi, milyones na bata ang mga nasa iskul at obrero naman sa mga nasa pabrika, mall, simbahan, construction site, gusali ng pamahalaan at iba pa.

Kung may sunog at pagguho ng Angat dam at iba pang mga dam, ano-ano ang mga gagawin?