MALAMANG na target na ng Office of the Ombudsman ang alkalde ng Kalibo, Aklan dahil sa mga umano’y anomalyang kinasasangkutan nito.
Hindi mahirap humarap sa publiko kung malinaw ang konsensiya at may sapat na paliwanag sa mga isyung ibinabato. Sa halip na maaanghang na salita, mas mabuting ilatag ang mga dokumento, datos at katotohanan upang mismong mga mamamayan ang makapaghusga.
Sa papalapit na halalan, hindi sapat ang magagandang pangako o matitinding pahayag. Kailangan ng mga botante ang malinaw na sagot, konkretong rekord at katotohanang kayang panindigan.
Si Mayor Juris Sucro ay nahaharap sa matinding mga alegasyon, kabilang ang usapin ng tinatawag na palabra de honor—mga pahayag na sinasabi sa publiko ngunit tila iba ang lumalabas kinabukasan. Sa ganitong sitwasyon, dokumento at malinaw na paliwanag ang higit na kailangan kaysa palitan ng maaanghang na salita.
Sa isyu ng Palengke ng Kalibo, nasilip umano ang mga katanungang may kinalaman sa paraan ng pamamahala ng alkalde. Dito, nais malaman ng mamamayan kung ano ang tunay na papel ng Sangguniang Bayan, at kung may saysay pa ba ang pagkakaroon ng mayorya at minorya kung hindi malinaw ang kanilang mga posisyon at aksyon.
PALENGKE NAPUNTA SA SEMENTERYO
Hinihintay ng mga taga-Kalibo ang kasagutan sa isyu ng palengke dahil may mga bagay na umano’y hindi nila nagustuhan sa paraan ng pamamahala.
Mas naging mabigat ang usapin nang huli nang malaman ng mga residente ng Mabilo na ang proyektong inakala nilang palengke ay may planong gawing sunugan ng mga yumao, na sinasabing hindi naaayon sa napagkasunduan ng mga residente ng barangay.
Nasunod ba ang tamang proseso? Ano ang naging paninindigan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan—mayorya man o minorya?
Hindi ito usapin ng pagkampi sa mayor o sa kanyang mga kritiko. Usapin ito ng transparency, tamang proseso at pananagutan sa harap ng publiko.
Ang palengke ay hindi pag-aari ng mayor o ng konseho. Ito ay bahagi ng serbisyong dapat pangalagaan para sa mamamayan ng Kalibo. Kaya may karapatan silang malaman kung paano ito pinamamahalaan, anong mga desisyon ang ginawa, at sino ang maninindigan sa mga ito.






