Home HOME BANNER STORY Mayorya ng Chinese na may student visa nasa Maynila – BI

Mayorya ng Chinese na may student visa nasa Maynila – BI

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na karamihan sa mga Chinese national na nabigyan ng student visa sa bansa ay nasa Metro Manila at hindi sa Cagayan.

Ginawa ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval ang pahayag kaugnay sa umano’y pagdagsa ng mga Chinese na estudyante sa ilang kolehiyo at unibersidad sa Cagayan Valley.

“Mahigit 9,000 ang Chinese nationals that have been issued student visas in different schools in Metro Manila,” ani Sandoval sa isang panayam.

Ang pahayag ni Sandoval ay taliwas sa datos ng Immigration bureau noong 2023 na nagpakita na mahigit 1,500 Chinese students ang nasa Cagayan.

“But on the ground we verified kung ilan po ‘yung nandoon, ang on the ground na lamang po ay nasa more than 400 students,” ayon pa kay Sandoval.

Ayon kay Sandoval, taun-taon nire-renew ang kanilang student visa kung saan maaaring hindi palawigin ng gobyerno ang visa ng isang mag-aaral kung sunod-sunod na bagsak ang kanilang grado.

Giit ng tagapagsalita na ginagawa ng ahensiya ang pagpapatupad ng regulasyon upang matiyak na lahat ng mga dayuhang estudyante sa bansa ay nakakumpleto ng kanilang dokumentasyon.

Binanggit pa rin ni Sandoval ang pangangailangan para sa mga intelligence agencies na i-verify ang mga concerns na ipinahahatid ng ilan, lalo na sa mga lugar na itinuturing na “areas of concern.”

“There should be a healthy balance. Kasi hindi naman po natin siguro marapat na ideny yung mga lehitimong estudyante na nais talagang mag aral dito,” ani Sandoval. Jay Reyes