Home OPINION ME WAR LUMIYAB; OFW IBAKWIT

ME WAR LUMIYAB; OFW IBAKWIT

MAKARAANG bombahin ng United States at Israel ang tatlong plantang nukleyar sa Iran, sinabi agad ni Iran Supreme Leader Ali Khameini na “Its our turn to act without delay.”

Kasama sa binomba ang plantang Natanz, fordow at Esfahan.

Kabilang sa mga laman ng pahayag ni Khameini ang pagsasara ng Strait of Hormuz na daluyan ng 20% ng langis sa mundo.

Partikular na haharangin ng Iran ang mga barko ng US na nagbibiyahe ng langis at iba pang mga produkto sa Strait of Hormuz.

Bobombahin din umano ng Iran ang US Naval Base sa Bahrain na kamakailan lang ay inalisan na ng mga barkong Amerikano.

Maaaring maisama ang Red Sea sa pamamagitan naman ng mga pwersa ng Houthi sa Yemen.

Sa Red Sea dumadaloy rin ang nasa 12% ng langis, pwera ang iba pang mga kalakal.

Kapag masimulan ng Iran ang magbomba sa mga base militar ng US sa Bahrain at Iraq, maaari umanong lumahok ang mga pwersang Amerikano na nakakalat sa iba pang mga base militar na nakakalat sa iba pang mga bansa gaya ng Saudi Arabia at iba pa laban sa Iran.

Paano kung lalahok din ang mga kakampi ng Iran na ibang mga bansa at grupo?

MGA OFW IBAKWIT AGAD

Kapag mangyari ang bombahan, kabilang sa dudurugin ng Iran ang Israel at dito na manganganib ang nasa 30,000 overseas Filipino workers sa huli at swerte ang nasa 200 OFW na ngayo’y tinutulungan ng pamahalaan na umalis…kung makaaalis sila.

Mayroon ding kontak ang ating pamahalaan sa mga OFW sa Iran at lumilitaw na may gusto ring uuwi sa Pilipinas.

Ang ibang mga bansa, pinauuwi na ang kanilang mga mamamayan, kabilang ang China, US, United Kingdom, India, Pakistan, Romania, Portugal, Serbia, Ireland at maraming iba pa.

Lahat na ang kanilang mga sibilyan at pangmilitar na sasakyan, ginagamit na sa pagbabakwit.

Nasaan na ang aksyon ng Pilipinas?

Nito lang nagdaang araw, sinabing Alert Level III ang paiiralin ng Pilipinas lalo’t higit na nakararami ang ayaw umuwi sa Pilipinas dahil wala umano silang madadatnan sa bansa na maayos na kalagayan, pagkakitaan at kinabukasan.

Sa nasabing alert level, voluntary repatriation ang mangyayari at sa Alert Level 4 lang magaganap ang sapilitang pagbabakwit.

Ano ang paiiralin kung maglalagablab na nang husto ang giyera?

Paano rin ang mga OFW sa Jordan, Saudi Arabia, Bahrain at iba na higit na may maraming OFW kaysa sa Israel?

Ano-ano na ang malinaw na pagkilos ng pamahalaan para kaligtasan ng mga OFW at pagpapauwi sa kanila?

SUMPA SA LANGIS

Sa susunod na Martes, may dagdag na malalaking halaga ang mga produktong petrolyo at maaaring lalagpas pa sa P5 kada litro ang taas presyo sa diesel habang nasa P3.40 sa gasolina dahil lumundag ang presyo bawat bariles ng langis noong Hunyo 13, 2025 sa $74 mula sa $69 noong Hunyo 12.

Ngayong isasara na ang Strait of Hormuz, at maaaring pati ang Red Sea, hindi imposibleng lalong lulundag ang presyo ng langis sa napakataas na halaga o nasa $90-100 kada bariles.

Ano na ang gagawin ng pamahalaan?