MAINIT pa rin ang usapin kung nararapat nga bang ibaba o hindi ang edad ng kabataang dapat patawan ng parusa kung sakaling nasangkot sa isang krimen. Isa si Atty. Mohammad M. Hadji Yusoph kilala bilang Atty. Mox, isang trial lawyer, sa mga legal professional na aktibong nagbabahagi ng kanyang pananaw sa mga usaping panlipunan at legal.
Sa kanyang Facebook post, inilatag niya ang mahahalagang tanong tungkol sa balanse ng karapatan, disiplina, at pananagutan ng kabataan, mga magulang, at mga guro.
Sang-ayon ako sa abogadong ito na hindi dapat karapatan lang ang pinag-uusapan. Alam naman ng lahat na ang bawat karapatan ay may kaakibat na responsibility at accountability. Totoong dapat protektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso, ngunit hindi rin makatarungan kung ang mga magulang at guro ay magdalawang isip sa pagdisiplina dahil baka nga naman sa bandang huli ay sila pa ang maparusahan.
Ito rin ang isa sa mga mensaheng ipinakita ng Netflix series na Teach You a Lesson (Chamgyoyuk). Tumpak ang ipinahatid na impormasyon ng nasabing series.Inilarawan nito ang isang lipunan kung saan unti-unting nawawala ang awtoridad ng mga guro sa takot na sila ay ireklamo dahil sa sobrang panghihimasok at impluwensiya ng ilang magulang.
Kabilang din sa mensahe ang maling pag-unawa at pagtrato sa sitwasyon ng bawat estudyante. Maaari nga namang magresulta ito sa extreme bullying, karahasan, at kawalan ng respeto sa loob ng paaralan. Bagama’t dramatized ang serye, malinaw ang aral nito na kapag nawala ang angkop na pagdisiplina, maaaring lubos na magdusa ang mga estudyante, guro, magulang at lipunan.
Sa panahon ng social media at internet, mas naging malawak ang impluwensya nito sa mga kabataan. Kaya hindi sapat ang “gabayan” lamang kung wala namang malinaw na hangganan at pananagutan. Kailangan nating pag-aralan kung paano mapoprotektahan ang karapatan ng mga bata nang hindi naman nawawala ang karapatan ng mga magulang at guro na magtuwid at magdisiplina sa paraang makatao, makatwiran, at naaayon sa batas.
Klarong-klaro sa atin ang post ni Atty. Mox at mensahe ng Netflix series. Ang layunin ng tamang pagdidisiplina ay hindi manakit, kundi maghubog ng responsableng mamamayan para sa makabagong henerasyon.
Mahihirapang magtaguyod ng kaayusan ang isang lipunang mahigpit na nagbabantay sa bawat karapatan at demokrasya ngunit tikom naman ang bibig sa kabataang naliligaw ng landas. Ang tunay na pagkalinga sa kabataan ay hindi lamang pagbabantay sa kanilang karapatan, kundi pagtuturo rin ng responsibilidad, paggalang, at pananagutan.






