MAGANDANG balita para sa mga Kasambahay nasa NCR!
Makatatanggap ng karagdagang Php800 na buwanang sahod ang mga kasambahay sa Metro Manila simula sa Pebrero 7, 2026 matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board – National Capital Region (RTWPB-NCR) ang Wage Order No. NCR-DW-06, na nagtatakda ng pagtaas sa minimum na sahod ng mga domestic worker sa rehiyon.
Ayon sa abiso ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), tataas ang minimum na buwanang sahod ng mga kasambahay mula sa kasalukuyang Php7,000 patungo sa Php7,800, na magiging epektibo matapos ang 15 araw na mailathala ang naturang wage order.
Saklaw ng umento ang mga sumusunod na manggagawa sa tahanan, maging sila man ay stay-in o live-out:
– Pangkalahatang kasambahay,
– Yaya o tagapag-alaga ng bata,
– Kusinero o kusinera,
– Hardinero,
– Labandera
– At iba pang regular na gumagawa ng gawaing-bahay sa isang sambahayan bilang hanapbuhay.
Hindi naman kabilang sa saklaw ng dagdag-sahod ang mga service provider, family driver o personal na tsuper, at mga indibidwal na gumagawa lamang ng trabaho nang paminsan-minsan o hindi regular.
Ang pag-apruba sa umento sa sahod ay bunga ng wage determination activities na isinagawa ngayong taon, kabilang ang survey sa mga kasambahay sa NCR, focus group discussion (FGD) kasama ang mga domestic worker, pampublikong pagdinig na ginanap sa Pasay city noong Enero 12, 2026.
Layunin ng hakbang na ito na:
– Mapabuti ang kabuhayan ng mga kasambahay,
– Matulungan silang makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, at
– Ipatupad ang mga probisyon ng Batas Kasambahay o ang Republic Act No. 10361 na nagtataguyod ng makatarungan at disenteng sahod para sa mga manggagawa sa tahanan.
– Inaasahang magbibigay rin ito ng mas malinaw na gabay sa mga amo at employer hinggil sa tamang pasahod at karapatan ng mga kasambahay sa Metro Manila.
Batay sa datos ng Department of Labor and Employment at Philippine Statistics Authority, may mahigit-kumulang 1.4 milyon na mga kasambahay sa buong bansa kung saan na- sa mahigit 200,00 ang nasa NCR.






