Home NATIONWIDE Mga labi ng PNP exec na nasawi sa Washington air collision iuuwi...

Mga labi ng PNP exec na nasawi sa Washington air collision iuuwi sa Pinas ngayong linggo

LAS VEGAS, NEVADA- Iuuwi sa Pilipinas ngayong linggo ang mga labi ni Philippine National Police Director for Logistics, Colonel Pergentino “Bong” Malabed, na kabilang sa 64 pasahero na nasawi sa salpukan ng American Airlines jet at US Army Black Hawk helicopter sa Washington, D.C. noong nakaraang buwan.

Babalik ang kanyang biyudang si Rio Malabed sa United States, kung saan dadalhin niya ang mga personal na kagamitan at uniporme ni Colonel Malabed, na gagamitin sa pag-uwi sa kanyang bangkay sa Pilipinas.

Sa isang Facebook post, inanunsyo niya na magaganap ang burol ni Colonel Malabed sa Philippine National Police Mortuary sa Camp Crame mula February 21 hanggang February 23.

Nakatakdang ilipat ang mga labi ni Colonel Malabed sa Manila Memorial Park, Manila South Road, Barangay Dita, Santa Rosa City, Laguna, sa February 24.

Nakatakda naman ang cremation sa February 25, habang ang libing ay kasado sa February 27 ng alas-4 ng hapon.

“The last time I spoke with the family of Col. Malabed, they asked for privacy, and so, to respect their wishes, I don’t think I would be able to give out that information,” pahayag ni Washington, D.C. Consul General Donna Rodriguez.

Samantala, iniimbestigahan ng United States National Transportation Safety Board (NTSB) ang posibilidad ng pagpalya ng altimeter ng Black Hawk helicopter at hindi nito pagkarinig sa abiso mula sa control tower ng Reagan National Airport ilang segundo bago sumalpok sa American Airlines Flight 5342. RNT/SA