MANILA, Philippines- Personal na namahagi ng karagdagang suporta si Senator Christopher “Bong” Go sa mga residente ng Barangay Manresa, Paligsahan, Payatas, Tatalon, Holy Spirit, Commonwealth, Culiat, Patok, Tandang Sora, Talayan, Sauyo, at Nova Proper sa Quezon City, upang tulungan sila na muling makapagpatayo ng mga tahanan at makarekober sa pagkasalanta ng sunog.
“Sa mga nasunugan, huwag ho kayong mag-alala. Ang gamit ay nabibili, ang pera ay kikitain, subalit ‘yung perang kikitain ay hindi nabibili ang buhay. Ang nawalang buhay ay isang nawawalang buhay magpakailanman. Pangalagaan at ingatan po natin ang buhay at kalusugan ng bawat isa,” ani Go sa kanyang mensahe.
Sa pakikipag-ugnayan kina Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto, nakatanggap ang mga apektadong pamilya ng mahahalagang tulong tulad ng grocery packs, meryenda, kamiseta, masks, bitamina, basketball, at volleyball mula sa senador. May ilang nakatanggap ng bisikleta, mobile phone, sapatos, at relo.
Kinilala rin ni Go ang mga Barangay Captain na naroroon sa naturang event, kabilang sina Manresa Barangay Captain Arturo Tambis, Tandang Sora Brgy. Kapitan Marlon Ulanday, Paligsahan Brgy. Capt. Alexander Lapore at Paltok Brgy. Captain Judy Floresca para sa kanilang patuloy na pagsisikap na mailapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mamamayang Pilipino.
Pinadali rin ng inisyatiba ni Senator Go ang pagbibigay ng National Housing Authority ng mga benepisyo ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa 197 karapat-dapat na kabahayan na apektado ng sunog.
Binigyang-diin ni Go ang kanyang adbokasiya para sa pagbibigay ng emergency housing assistance, na patuloy niyang itinataguyod. Tinitiyak nito na ang mga apektadong pamilya ay may mapagkukunan upang muling itayo ang kanilang mga tahanan, tulad ng mga pako, roofing sheet, at iba pang kinakailangang materyales sa pabahay.
“Itong EHAP program, isinulong ko ito noon at patuloy na sinusuportahan ang mapondohan ang programa ngayon para mas marami pang biktima ng sakuna ang makapagpatayo ng maayos at makabangon muli mula sa trahedya,” ani Go.
Patuloy din niyang isinusulong ang kanyang inihain na panukalang batas, ang Senate Bill No. 192, na naglalayong gawing institusyonal ang Rental Housing Subsidy Program.
Sa ilalim ng iminungkahing panukala, bubuo ng isang programa sa pabahay at proteksyong panlipunan upang mabigyan ang mga biktima ng kalamidad ng mas mahusay at mas abot-kayang pag-access sa pormal na pamilihan ng pabahay sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidy sa pagpapaupa na ibinibigay ng pamahalaan kung maisasabatas.
Itinampok din ni Go ang Senate Bill No. 2451, na kilala bilang Ligtas Pinoy Centers Act, na kanyang co-sponsor at isa sa mga may-akda sa Senado.
Batay sa Mandatory Evacuation Center bill na inihain ni Go, binibigyang-diin ng panukalang batas ang pangangailangan ng pagtatatag ng mandatory evacuation centers sa bawat lokalidad.
Sa mga kaso kung saan ang mga sakuna tulad ng sunog ay nagreresulta sa mga pinsala o medikal na pangangailangan, si Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ay nagbigay-diin sa mahalagang papel ng Malasakit Centers sa pagbibigay ng agarang suporta sa pangangalagang pangkalusugan upang mapagaan ang kanilang pinansiyal na pasanin. RNT