MANILA, Philippines – BUMABA ang bilang ng mga mahihirap na Filipino noong nakaraang taon, 2023.
Ito’y ayon sa Full Year Official Poverty Statistics ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa katunayan, mula 19.90 milyon noong 2021, bumaba ito sa 17.54 milyon noong 2023. Dahil dito, ang poverty incidence ay 15.5% noong 2023 mula 18.1% noong 2021.
Kaya nga nangako ang pamahalaan na ibababa ang poverty level sa single-digit levels bago magtapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Itinuturong dahilan naman ni National Statistician and Civil Registrar General Usec. Claire Dennis Mapa sa pagbabago ng bilang ng mga mahihirap na Filipino sa umento sa sahod at tumaas na employment rate dahil sa paglago ng ekonomiya.
“Mas mataas ang kita, mas mabilis ang taas ng kita doon sa mga pamilya sa bottom decile,” ayon kay Mapa.
Para makonsiderang mahirap, ang isang tao ay kailangan na “below the country’s poverty threshold.”
Para sa taong 2023, ang average poverty threshold ay P13,873 kada buwan para sa Pamilyang may limang miyembro. Nangangahulugan ito na ang pamilya na ‘above’ sa nasabing halaga ay hindi maikokonsiderang mahirap. Ang halaga ay budget para sa food at non-food items.
Para sa food-poor threshold, ang average ay P9,581 kada buwan para sa pamilya na may limang miyembro.
“This translates to P64 daily food budget per person when P9,581 is divided by 30 days and divided by 5 persons. Those earning higher than the threshold are not considered food poor,” ayon sa PSA.
Sinabi pa nito na mula sa 18 rehiyon, mayroong 11 ang naitala na bumaba sa poverty incidence sa mga pamilya. Nagpakita ng improvement ang Caraga sa 14.9% o pagbaba sa 11% points.
Kapuwa naman sinabi ng PSA at NEDA na rerebisahin nila ang poverty threshold information sa susunod na taon para mas maayos na mas alamin ang kalayaan ng bansa. Kris Jose