Home METRO Mga preso sapul ng pigsa, hypertension ngayong tag-init – BJMP

Mga preso sapul ng pigsa, hypertension ngayong tag-init – BJMP

MANILA, Philippines- Dahil sa matinding init na nararanasan, mayroong 600 kaso ng persons deprived of liberty (PDL) ang nagkapigsa at 2,578 na kaso na nagka-hypertension sa iba’t ibang kulungan sa National Capital Region.

Iniulat ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jayrex Joseph Bustinera na ang naturang datos ay nakalap batay sa idinaos nilang konsultasyon nito lamang Marso.

Bukod sa pigsa at hypertension, may 1,673 PDLs ang nagreklamo ng sakit sa ngipin, 1,466 ang nagkaroon ng acute gastroenteritis at 554 ang nagkaroon ng gastritis.

Gayunman, sinabi ni Bustinera na inaasaham nila ang mas mababang bilang ng kaso ngayong taon dahil sa pagbaba ng congestion rate sa mga bilanguan.

Kumpara aniya sa 127,000 PDL notong nakaraang taon, nasa 118,000 ang congestion rate ngayong taon.

itong nakalipas na tag-init ay umabot sa 4,545 ang kaso ng pigsa, 264 ang kaso ng conjunctivitis, apat ang nagka-dengue, 3,013 ang nagkaroon ng fungal infections, 3,283 ang nagkaroon ng heat rash, 2,125 ang nagka-scabies at 35 ang nasapul ng typhoid fever.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagbili ng BJMP ng mga gamot para sa mga sakit na dinaranas tuwing tag-init.

Nitong Enero ay kumuha ang BJMP ng anim na doktor at nakipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection para matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa jail facilities. Teresa Tavares