NANG pumutok ang isyu ng flood control project at ang pagkabisto sa mga ghost project na pinagkakitaan ng milyon-milyon ng mga tiwaling opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga politiko, maraming mga proyektong pang-imprastraktura ang natigil.
Karamihan sa mga naantalang mga proyektong pang-imprastraktura ay mga nakopo ng mcontractors na idinawit sa mga maanomalyang bidding, substandard na proyekto, at ghost projects dahil pina-hold ng national government ang paglalabas ng pondo para sa nakuha nilang proyekto.
Bagama’t may mga proyekto naman sa Metro Manila na maayos ang pagkagawa, may pagdududa pa rin na may anomalya dahil ang kontrata ay nakopo ng kompanyang pag-aari ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Dito nga lang sa Taguig City, para patunayan lang na hindi ghost project ang proyektong na-award sa mga Discaya, personal na inimbitahan ni Senate Minority Leader Senator Alan Peter Cayetano si DPWH Secretary Vince Dizon para inspeksiyunin ang itinatayong Hall of Justice sa Barangay Lower Bicutan.
Dati kasing bahagi ng isang multipurpose building project ang naturang lugar na na-award noong 2020 sa mag-asawang Discaya para gawing limang palapag na gusali na paglalagyan ng mga korte, prosecutors, Public Attorney’s Office at detention units.
Ipinaliwanag ni Cayetano na ang nakita sa Taguig ay isyu sa procurement at implementasyon at hindi ghost projects. Ang problema, aniya, kapag open bidding, kahit sino ay pwedeng panalo kaya inimbitahan nila si Dizon para patunayang wala silang itinatago sa Taguig.
Kung sabagay noon pa may talaga ay bukas na sa mata ng publiko ang mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig, pati na ang pagsasagawa ng bidding, para makita ng lahat kung may anomalyang nangyayari.
Hindi lang sa Taguig mayroong mga isyu ng nabinbing mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan kundi sa iba pang mga lungsod sa Metro Manila tulad ng ginagawang gusali sa Caloocan City-South na nakalaan sana para gawing punong tanggapan ng Caloocan police at Bureau of Fire Protection.
Hunyo ng kasalukuyang taon ang target na matatapos ang gusali pero mukhang matatagalan pa ng ilang buwan dahil sa pagkabinbin bunga nang pagpigil sa paglalabas ng pondo.






