MANILA, Philippines – Nagkainitan ang grupo ng mga ralyista at mga anti-riot police matapos silang harangin bago makapasok sa Mendiola Bridge sa Maynila sa ika-52 anibersaryo ng Martial Law.
Bitbit ang mga shield na pananggalang ng mga anti-riot na pilit itinataboy ang mga ralyista na gustong makalapit sa Mendiola habang nakabarikada.
Isang lalaking ralyista rin ang sinasabing pinadapa ngunit hindi pa malinaw kung ito ay inaresto.
Upang makapagsagawa ng maikling programa, nagset-up ang mga ralyista ng isang mobile stage sa Recto Avenue dahil hindi nila maabot ang Mendiola.
Hindi lamang sa Maynila nagsagawa ng kilos protesta ang mga militanteng grupo. Nagtipon-tipon din ang ilang mga grupo sa Welcome Rotonda gayundin sa EDSA.
Nilagdaan ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Proclamation 1081 noong Setyembre 21, 1972, na naglagay sa Pilipinas sa ilalim ng Martial Law.
Ayon sa datos mula sa Human Rights Victims’ Memorial Commission, mahigit 11,103 biktima ang dumanas ng mga paglabag sa karapatang pantao. Jocelyn Tabangcura-Domenden