Home OPINION MGA SENADOR ‘EASY TARGET’

MGA SENADOR ‘EASY TARGET’

1
0

MABUTING nailalabas ang iba’t ibang pananaw, lalo sa mga usaping ligal katulad ng kasalukuyang Impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Napakabigat ang opinyon na inilatag nina retired Chief Justices Artemio Panganiban at Hilario Davide Jr. na hindi awtomatikong 16 ang threshold kapag humantong na sa paghahatol ang mga senador laban kay VP Sara.

Idiin nila ang partisipasyon, kakayahang bumoto at independyenteng pagsusuri sa mga ebidensya. Paano raw makahahatol ang isang senator-judge kung hindi siya aktuwal na nakikilahok sa importanteng bahagi ng trial?

Nariyan ang mga testigo, testimonya, dokumento at argumento na kinakailangang suriin dahil hindi ordinaryong botohan ang Impeachment.

Pero may palag dito ang pananaw ni retired Chief Justice Reynato Puno na sa regular na korte, aniya, ay may hukom na nakapagdedesisyon batay sa transcripts at records kahit hindi niya personal na narinig ang bawat pagdinig. Ibig sabihin, ang pagliban ay hindi awtomatikong nangangahulugang walang kakayahan ang isang judge na humatol.

Para naman kay retired Justice Adolfo Azcuna, diretso niyang ipininaliwanag na habang nabubuhay ang isang senador na kasapi sa 24 miyembro ng Senado ay kasama pa rin siya sa bilang. Tanging kamatayan, pagbibitiw at pagpapatalsik sa kanya ang dahilan lamang upang hindi siya maisama sa botohan. Iginiit ni Azcuna na ang “all members of the Senate” ay hindi lamang batay sa attendance.

Sa Konstitusyon, kailangan ng Senate impeachment court ng 2/3 ng 24-member chamber para mahatulan ang isang opisyal.

Ngunit sa kasalukuyang listahan ng mga senador, 20 senador lamang ang aktibong dumadalo sa Impeachment trial. Ang dalawa ay kinasuhan ng plunder, ang isa ay nag-medical leave, habang ang isa ay nagtatago dahil sa kaso. Silang apat ay pinaniniwalaang biktima ng “panggigipit ng gobyerno” dahil sa hindi pagkiling sa pamahalaan.

May mga nagsasabing ang pagbabawas ng pagboto sa paglilitis sa impeachment ay magiging isang masamang halimbawa.

Malinaw umanong “mag-aanyaya” ito sa isang mapang-abusong gobyerno upang mas madali nang targetin ang mga senador na inaasahang hindi papabor sa kanyang ninanais na gawin.

Bagama’t may punto ang opinyon ng tatlo sa apat na tinaguriang amici curiae o friends of the Impeachment court, ano pang silbi nito kung ang abusong gobyerno ay imamanipula ang partisipasyon ng mga senador?

Ang Senado ay dapat maging isang institusyong hindi hawak sa leeg ninoman. Wala rin itong dapat kinikilingan o kinatatakutan. Hindi ito dapat maging isang “remote control” ng sinomang nakaupong Pangulo.

Ngunit ang problema, nakikita natin na ang “karamihan” sa mga senador ay may sinusunod na amo.

Ang iba ay “laway na laway” na mapalitan si VP Sara sa pwesto kapag nagtagumpay silang siya ay mapatalsik.

Habang ang ilan, kinakabahan dahil kapag hindi nasibak si VP Sara at nananalo sa 2028 presidential elections, alam na kung ano ang kanilang kalalagyan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here