Home NATIONWIDE Mga taga-suporta ni VP Sara nagsagawa ng caravan sa Cebu

Mga taga-suporta ni VP Sara nagsagawa ng caravan sa Cebu

MANILA, Philippines- Nagtipon ang mga taga-suporta ni Vice President Sara Duterte nitong Linggo sa Plaza Independencia sa Cebu City upang tutulan ang itinutulak na impeachment laban sa kanya.

Bago magtipon sa plaza, nagsagawa ang mga taga-suporta ng “Protect the Vice President” caravan na nagmula sa iba’t ibang mga lugar sa lalawigan, base sa ulat.

Kasalukuyang nahaharap si Duterte sa dalawang impeachment complaints, ang una ay inihain ng advocacy groups sa basehang umano’y corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes. Inendorso ito ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña.

Ang ikalawang impeachment complaint ay inihain ng mahigit 70 kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, nakaangkla sa umano’y betrayal of public trust kaugnay ng umano’y paglustay sa confidential funds. Inendorso naman ito ng progresibong Makabayan bloc.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang Bise Presidente ukol sa kamakailang impeachment moves laban sa kanya, subalit matatandaang nagpasalamat siya sa ilang indibidwal, kabilang ang healthcare workers at mga senador, na tumulong sa kanyang opisina sa gitna ng “krisis” kamakailan.

“Nagpapasalamat ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa lahat ng mga tumulong, sumuporta, at nagpaabot ng pakikiisa at pagdamay sa opisina nang humarap ito sa krisis at kagipitan kamakailan,” pahayag ng  Office of the Vice President. RNT/SA