Home HOME BANNER STORY Mga tauhan ng LTO na kumuyog sa magsasaka sa viral video, sinuspinde...

Mga tauhan ng LTO na kumuyog sa magsasaka sa viral video, sinuspinde ng DOTR

MANILA, Philippines – Ipinag-utos na ng Department of Transportation (DOTr) ang preventive suspension sa mga empleyado ng Land Transportation Office (LTO) na sangkot sa viral incident sa Panglao, Bohol.

Ang direktibang ito ay ginawa ni DOTr Secretary Vince Dizon.

“This [suspension] will remain in effect pending the completion of a thorough and impartial investigation into the circumstances surrounding the event,” saad sa pahayag ni Dizon nitong Sabado, Marso 1.

Nangyari ang insidente nitong Biyernes, kung saan sa viral video ay makikita ang isang lalaki na sakay ng motorsiklo na inaaresto ng mga tauhan ng LTO.

Pwersahang pinapababa sa motorsiklo ang lalaki ng mga tauhan ng LTO, kasabay ang pagsigaw ng lalaki na siya ay isang magsasaka kung kaya’t may dala itong bolo.

Sa kabila nito, inaresto pa rin ang lalaki at ikinulong sa custodial facility ng Panglao Police Station.

Nitong Biyernes, naglabas ng pahayag ang LTO Region 7 para humingi ng paumanhin sa insidente at sinabing nangyari ito para sa kaligtasan at kaayusan. RNT/JGC