Home ENTERTAINMENT Miguel, inalala ang pagluha kay Barbie!

Miguel, inalala ang pagluha kay Barbie!

Manila, Philippines- Masaya ang naging guesting ng mag-inang Grace at Miguel Tanfelix sa vlog ni Toni Gonzaga.

Sa kanilang tsikahan, nagbalik-tanaw si Miguel sa kanyang mga pinagdaanan sa showbiz.

Aniya, bata pa lang daw siya ay pangarap na niyang mag-artista.

Katunayan, siya raw ang nangulit noon sa kanyang mommy para mag-audition sa GMA-7.

Aminado naman si Mommy Grace na siya ang gustong pumalaot noon sa pag-aartista.

Kaso, nakalimutan na raw niya ang ambisyong ito at ipinaubaya na lang kay Miguel.

Sa pagbubunyag din ng ina ng Kapuso actor na isa nang socmed influencer, naging saksi raw siya noon sa pagpupunyagi ng anak para magkaroon lang ng pangalan sa showbiz.

Pagkatapos naman ng ilang taong pagsisikap, happy naman si Mommy Grace dahil natupad na ni Miguel ang kanyang dream na makapagbida sa serye tulad ng “Mga Batang Riles.”

Bilib din daw siya sa paraan ng paghahawak ni Miguel na kanyang pananalapi sa kasalukuyan na bago bumili ng isang bagay ay uunahin muna ang iba at ilang beses munang nag-iisip bago magdesisyon.

Hinggil naman sa mga naging girlfriend ng kanyang anak na sina Bianca Umali, Kyline Alcantara at Barbie Forteza, lahat daw naman ay kasundo niya kaya masasabing walang masamang tinapay sa kanya.

Pinayuhan din daw niya ito na maging prayoridad ang trabaho.

Naisiwalat din niya kung paano noon naapektuhan ang anak sa breakup nila ni Barbie.

Iniyakan daw ni Miguel ang hiwalayan nila ni Barbie noong 14 pa lamang ito.

Sey naman ni Miguel, very open daw siya kay Mommy Grace pagdating sa kanyang mga dyowa.

Naibahagi rin niya na smooth sailing ang kanilang relasyon ni Ysabel Ortega kaya hindi totoong hiwalay na ang dalawa. Archie Liao