MANILA, Philippines – Patay ang 54-anyos na si Conrado Cahanap Vergara matapos masagasaan ng pampasaherong bus sa Silang, Cavite, habang ginagamot naman ang kanyang asawang si Vergenia, 53.
Nawalan ng kontrol ang sinasakyan nilang motorsiklo habang iniiwasan ang isang sasakyan, dahilan upang tumilapon sila sa kalsada.
Ayon sa imbestigasyon, binabaybay nina Vergara at ng driver ng bus na si Aaron, 43, ang Aguinaldo Highway patungo sa direksyong Manila-Tagaytay nang mangyari ang insidente. Sinubukan umanong umiwas ni Vergara sa isang sasakyan, ngunit nawala sa balanse, tumilapon, at nasagasaan ng paparating na bus.
Isinugod sa ospital ang mag-asawa, ngunit hindi na umabot ng buhay si Conrado dahil sa tindi ng pinsala. Hawak na ng Silang MPS ang driver ng bus habang inihahanda ang kaso laban sa kanya. Marge Bautista