NAGSIMULA na ang Metropolitan Manila Development Authority noong Lunes, May 26, 2025 sa implementasyon ng no-contact apprehension policy o NCAP bilang paghahanda sa napipintong rehabilitasyon ng kahabaan ng EDSA.
Umabot sa mahigit 1,000 kaso ng violation ang naitala ng ahensiya sa unang araw pa lang ng implementasyon nito.
Iba’t-ibang reaksiyon naman ang ating nasagap mula sa ating mga kababayan. Mayroong todo suporta sa NCAP at mayroon namang hindi.
Mainam nga naman ang NCAP para madali nang mahuli at maparusahan ang mga pasaway na motorista sa mga major road na nasasakupan ng polisiya. Maliban pa rito ay maiiwasan na ang pakikipaghabulan ng mga awtoridad sa mga violator at sigurado nang mapapawi ang tukso ng pangongotong at panunuhol.
Hindi naman sang-ayon ang ilang driver lalo na iyong mga may disiplina dahil baka nga naman sila maperhuwisyo ng NCAP. Tulad na lamang ng mga pagkakataong maabutan ng red light at ma-capture ng camera sa gitna ng intersection dahil sa depektibong traffic light. Kailangan nga naman itong ayusin at regular na inspeksiyunin.
Kailangan ding isaayos ang mga potholes, maayos na paglalagay ng malinaw na early warning safety signs, malinaw na road markings, markadong concrete barriers, steel bollard poles at orange traffic cones lalo na kung may road construction.
Kailangan ding sawatahin ang mga jaywalker, pasaway na siklista, e-bike. e-trike, tricycle drivers, vendors at iba pa na nagpapabagal ng traffic flow at nagiging dahilan ng biglaang paghinto at pag-iwas ng ilang nag-iingat na motorista. Makatuwiran nga naman ito dahil makaiwas man sila sa aksidente, ‘eh mas malamang na citation ticket ang kanilang aabutin kung sakaling mahagip ng MMDA camera.
Huwag tayong titigil sa pagbibigay ng suhestiyon para sa kaayusan ng daloy ng trapiko at para sa kapanatagan ng loob ng ating mga kababayan habang ipinatutupad ang NCAP. Sisiguraduhin naman nating makararating sa mga awtoridad ang bawat hinaing.
Bilang ambag, sama-sama nating panatilihin ang disiplina sa pagmamaneho at ugaliin ang seryosong pagsunod sa batas-trapiko, hindi para makaiwas sa multa kundi para makaiwas sa anomang disgrasya.






