Home OPINION MY SNAPPY SALUTE TO AUX VICE ADMIRAL JAMES G DY PCGA

MY SNAPPY SALUTE TO AUX VICE ADMIRAL JAMES G DY PCGA

NAGLULUKSA ang inyong Agarang Serbisyo Lady sa pagpanaw nitong nagdaang Sabado, July 29, 2023, ng itinuturing ko na panga­lawang ama na si Aux Vice Admiral James G Dy PCGA or Dr. James G. Dy sa edad na 91.

Hindi mapasusubalian, malaki ang impluwensya sa akin ni Dr. Dy. Ang kanyang pagiging pilantropo ang nagmulat sa akin kung papaano tumulong sa ibang mga taong nangangailangan, kakilala ko man o hindi.

Sa kanyang pamumuno sa Philippine Chinese Charitable Association, Inc. (PCCAI) ay binuksan niya ang samahan sa mas malawak at makabuluhang pagtulong hindi lamang sa panahon ng mga kalamidad kundi para sa kabutihan ng mas malaking bilang ng popu­lasyon.

Sa pamamagitan ng Chinese General Hospital and Medical Center (CGHMC) na naging isang world-class hospital sa kanyang panunungkulan ay nagkaloob ito ng tulong sa mga pulis na nasusugatan sa pagganap ng kanilang tungkulin, gayundin ang mga nasa Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Bureau of Internal Revenue at iba pang mahahalagang tanggapan ng pamahalaan.

Hinding-hindi ko malilimutan si Dr. Dy sa pagrekomenda niya sa akin sa Filipino-Chinese General Chamber of Commerce, Inc. (FCGCCI) kaya nahirang ang inyong Agarang Serbisyo Lady bi­lang director, naging kauna-unahang at nag-iisang babae sa mahaba-habang kasaysayan sa ika-111th years ng business organization mula taong 2015. Mas tumaas ang kumpiyansa ko sa aking sarili at mas nakita ko ang aking halaga bilang tao, ina, babae, public servant at Pilipino.

Dahil sa kabutihan ng puso ni Dr. Dy ay marami tayong mga kapus-palad na mga kababayan na nabigyan ng magandang serbisyo medikal sa pamamagitan ng Department of Charity ng CGHMC, at sa tulong ng Philippine Charity Sweepstakes Office noong ako ay consultant for medical charity concern ng Office of the General Manager.

Mas lumawak din ang aking kaalaman sa medisina nang bigyan niya ako ng awtoridad na mag-interview sa mga doctor ng CGHMC ukol sa iba’t ibang karamdaman lalong-lalo na pagdating sa prevention, treatment and rehabilitation para mas maliwanagan ng mga sumusubaybay sa radio at YouTube channel, lalong-lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Nakatulong din sa maraming komunidad si Dr. Dy sa pama­magitan ng medical & dental missions, breastmilk donation drive, blood donation activity, RT-PCR swab test at libreng COVID-19     vaccine sa CGHMC.

Kapag mayroon akong personal na problema, lumalapit ako sa kanya at sa kanyang busy schedule ay naghahanap siya ng oras para masamahanan ako at mabigyan ito ng solusyon. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga payo at tulong niya sa akin.

Dr. Dy, ngayong nariyan ka na sa langit, sobra kitang mami-miss, lalo pa ang mga empleyado ng CGHMC, at mga taong nakadaupang palad mo ng iyong mapagbigay na puso at mga kamay. Mahal na mahal ka ng mga kawani ng ospital dahil sa iyong malasakit sa kanilang kapakanan. Malaking puwang ang naiwan mo, Dr. Dy. Pero ipagpapatuloy namin ang mga nasimulan mo lalo na sa paglilingkod sa kapwa-tao. Mananatiling buhay ang iyong mga alaala, mga aral, at inspirasyon sa akin.