SAANG baha kaya tayo pupulutin bukas?
Tinatanong natin ito, mga Bro, sa gitna ng paghahalo ng balat sa tinalupan ngayon makaraang magbanta si Pangulong Bongbong Marcos na ipakukulong niya ang mga korap at mandarambong na sangkot sa mga anomalya sa anti-flood flood o kontra-bahang proyekto na palpak, “ghost” o guni-guni at iba pa.
Naghahalo ang balat sa tinalupan o nagrarambol na ang mga opisyal ng gobyerno kung sino-sino ang mga dapat managot sa nasabing mga palpak at guni-guning proyekto na nagbubunga ng mga katakot-takot na baha sa kahit saang sulok ng mahal kong Pinas.
SANGKATUTAK NA PROYEKTO
Noong 2024 State of the Nation Address, ipinagmalaki ni Marcos ang mahigit 5,500 tapos nang kontra-bahang proyekto at pinaasa nitong magsimula nang hindi mamomroblema ang sambayanan sa baha.
Pero kinabukasan, nanalasa ang bagyong Carina at, anak ng tokwa, biglang isinisi kay dating Pangulong Digong Duterte lahat dahil proyekto raw niya ang mga iyon.
Nag-Poncio Pilato at naghugas-kamay agad ang mga basalyos ni Bongbong.
Bago mag-SONA 2025, sinasabi ng Department of Public Works and Highways na may nang natapos nang 9,856 at may ginagawa na ring 5,700.
Pero nakapagtatakang hindi diniinan ito ni Marcos sa kanyang pinakahuling SONA at sa halip, ‘yung ipakulong ang mga korap at mandarambong ang pinalutang nito.
Malinaw naman kasing palala nang palala ang mga pagbaha sa kabila ng mga naitayo na at itinatayo pang proyektong ito at alam ni Marcos na bebelatan lang siya ng taumbayan kung sasabihin nitong everbody happy na sa baha.
NAGHALONG BALAT SA TINALUPAN
Alam ba ninyo ang lantarang pahayag pahayag ng DPWH?
‘Yung mababaw nang mga daluyan ng ilog at maliit na badyet laban sa baha ang may sala.
Whaaaat?
Sa paninisi sa mabababaw na ilog at maliit na badyet kontra-baha, hindi na hagip ang mga korap at mandarambong.
Kung iisipin natin, mga Bro, kasama rin sa mga anti-flood ang mga tulay.
Noong bumagsak ang isang span ng bagong-bago at P1.2 bilyong Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela noong Pebrero 27, 2025, maalaala ba ninyo na walang sinisi ang DPWH at buong pamahalaan kundi ang tsuper at may-ari ng truck na may kargang 102 tonelada?
Hanggang 44 tonelada lang umano ang kayang balikatin ng tulay at bumagsak ito nang padaanan ng 102 toneladang bakal.
Sa kabuuan, hindi mga taga-DPWH o kontraktor o ang pamahalaan ang may sala kundi mamamayan o kalikasan kaya.
Ukol sa badyet, matanong lang natin kung maliit ang mahigit nang P1.2 trilyon flood control project simula noong 2009, ayon sa DPWH, at pinakamalalaki ang ibinuhos sa panahon ni Marcos na nasa P300B taon-taon, kasama na ang nasa P350B para sa 2025 o halos P1 trilyon at pwera pa ang mga pinakakawalan ng mga local government unit.
Maliit bang badyet ‘yan?






