MAKINIG at sumunod sa mga habilin ng mga kaukulang awtoridad kaugnay ng pertussis, heat stroke at sakit ng mga hayop.
Hindi biro-biro ang mga ito dahil buhay at kamatayan ng mga tao at alagang ikinabubuhay ng tao ang pinag-uusapan.
‘YANG PERTUSSIS
Ayon sa Department of Health, mga Bro, nasa 40 na ang namamatay na Pinoy sa pertussis.
Nagmula ang mga patay sa 568 na nagkasakit nito simula noong Enero 1 hanggang Marso 16 ngayong taon.
Lumundag sa 568 ang bilang ng mga biktima mula sa 26 lamang sa kaparehong panahon nitong 2023.
Halos 63 porsyento sa mga biktima ang mga paslit na edad anim buwan pababa at, kabilang ang mga batang ito, nasa 68-76 porsyento ang hindi bakunado sa pertussis o walang rekord ng bakuna.
Ang pertussis ay walang tigil na pag-ubo at malalim sa parte sa baga ang pinagmumulan nito na may maraming plema at hindi lumalabas na tuyong plema.
Araw at gabi na umaatake ito at halos walang tigil hanggang sa maramdaman na lang ng biktima na nanghihina siya at ilalatag ang katawan sa higaan.
Sa kawalan ng sapat na tulog at tuloy-tuloy na tuyong pag-ubo sa loob ng isa hanggang tatlong linggo, saan pupunta ang isang bata kundi sa kamatayan?
Ito ang buong kalagayan ng mga may pertussis na ating naiinterbyu.
Nasasawi nga ang matatanda, ang mga baby at bata pa kaya?
ANG GAGAWIN?
Kapag nagtagal sa isang linggo ang maplema at tuyong pag-ubo at hindi umuubra ang mga karaniwang gamot na nabibili sa mga botika o kaya’y mga halamang gamot, itakbo na sa ospital ang maysakit.
Kapag walang laman ang bulsa, napakaraming public hospital na pupuntahan na roon halos libre lahat sa bisa ng mga Malasakit Center na iniakda ni Senador Bong Go ang batas nito at programang pangkalusugan ng mga panlalawigan, panlungsod at pambayang pamahalaan.
Halos libre dahil may mga gamot sa mga ospital at tanging ang mga wala sa botika ng mga ospital na ‘yan ang binibili sa labas.
Malas na lang din kapag nasisira ang mga equipment at laboratoryo ng mga ospital na pang-eksamen.
Pero may mga mura namang pribadong test center.
PATAY SA HEAT WAVE
Heat wave ang tawag sa sobrang init ng panahon at sa sukat ng PAGASA, kapag nasa 41 degrees celsius ang init sa paligid o mismong katawan ng tao, delikado na ‘yan.
Magkakakombulsyon ang tao kapag nasa 40-41 degrees celcius ang init ng kanyang katawan at kapag nasa paligid, ramram na ramdam ang masakit na kagat sa balat ng init ng panahon.
Kapag tumaas sa 42 degrees pataas ang init ng kapaligiran, naririyan na ang pagkakasakit o kamatayan sa heat wave.
At may namatay na nga, si William Go, na Barangay Kamputhaw, Cebu City.
Unang nakita siyang naglalakad sa bangketa ng Escario Street, sumunod ang kanyang pagtumba at nang lapitan ito ng mga tao, nagsuka siya ng dugo at doon na rin siya pumanaw.
Gayunman, isasailalim pa rin si Go sa awtopsya para malaman talaga ang sanhi ng kamatayan nito.
Sa General Santos City naman, may mga namamatay nang alagang manok dahil din sa init ng panahon.
Saan kayang mga lugar ang susunod na tatamaan ng heat wave at tatama sa mga alagang hayop na ikinabubuhay ng iba?
Lahat dapat lumahok at makipagtulungan para sa kaligtasan mula sa pertussis at heat wave.






