Home HOME BANNER STORY Natagalang implementasyon ng P20/kg bigas ipinaliwanag ni PBBM

Natagalang implementasyon ng P20/kg bigas ipinaliwanag ni PBBM

Ibinababa na ng rice retailers sa Kamuning Market sa Quezon City ang mga bagong hatid na P38 Kadiwa ng Pangulo rice sa kanilang mga stall.Ito ay kasunod ng anunsyo ng Department of Agriculture ng pagpapatupad ng Food Security Emergency sa bigas. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines – NAGPALIWANAG si Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. kung bakit natagalan siya na kagyat na tupdin ang kanyang campaign promise na P20 kada kilo ng bigas.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa One Cebu rally, sinabi niya na kailangan ng gobyerno na magbigay muna ng tulong sa mga lokal na pamahalaan kabilang na ang probisyon ng makinarya.

”Iyan po ay nakamit na natin. Hindi po naabot kaagad dahil ito po ay kailangan ayusin po natin ang ating pagtulong sa ating mga magsasaka. Kailangan bigyan natin sila ng mga makinarya,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

”Kailangan magtayo tayo ng mga processing center. Iyan kaya’t sinimulan po namin ito pag-upo. Dahan-dahan, dumadami na. Kaya’t kaya na naming gawin ito. Pinalitan pa natin ang batas ng NFA, halimbawa, at marami pa po tayong gagawin,” dagdag na wika nito.

Si Pangulong Marcos, nagsilbi bilang Agriculture chief sa simula pa lamang ng kanyang pagkapangulo, naniniwala na mas malakas ang agricultural sector ngayon.

”Ngunit ngayon matibay-tibay na ang agricultural sector natin. Kaya’t pinropose ko po sa lahat ng mga gobernador ng Visayas na sabi ko, ‘Bakit ‘di natin subukan itong P20 per kilo dito sa inyo?”’ ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Matagal nang inaasam ng Pangulo na matupad ang kanyang campaign promise na bawasan ang presyo ng bigas ng hanggang P20 kada kilo.

Nakasalalay ang kanyang aspirasyon sa pag-aayos ng ‘value chain’ o serye ng mga yugto na sangkot sa pagpo-produce ng produkto o serbisyo na ibinebenta sa mga mamimili, sa bawat yugto ng pagdaragdag sa halaga ng produkto o serbisyo.

Sa kabilang dako, nagdesisyon naman ang Department of Agriculture (DA) na pansamantalang itigil ang pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas sa loob ng 10 araw bilang paggalang sa ayuda ban sa gitna ng panahon ng eleksyon.

Ipinatupad ng Commission on Elections (Comelec) ang “ayuda ban” na nagbabawal sa pamimigay ng ayuda mula Mayo 2 hanggang sa araw ng halalan sa Mayo 12, 2025.

“Hindi na ‘yan exempted… Bawal na itong ipamahagi, maliban na lang sa medical and burial assistance… ‘Yan lang ang exempted sa May 2 to 12,” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia.

Iginiit ni Garcia noong Sabado, Abril 27, na ipinagbabawal ang anumang distribusyon ng ayuda sa loob ng sampung araw bago ang halalan.

Isinama ni Garcia sa pagbabawal ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Nagbabala rin ang Comelec na ang sinumang lalabag at mamimigay ng ayuda sa itinakdang panahon ay mahaharap sa kaso at maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon, batay sa Omnibus Election Code. Kris Jose